Nasabat ng operatiba ng Agutaya Municipal Police Station (MPS) ang anim na bangkang nagsasagawa ng iligal na pangingisda sa karagatang sakop ng Barangay Maracanao, 7:30 kagabi, Mayo 21.
Sakay ng anim na bangka ang mga mangingisda na kinilalang sina Joshua Coma Delos Santos, 19; Jimmy Pestano Pahayahay, 28; Ronel Pamamocino Recana, 31; Ranie Geducos Batuhan, 30; Alexander Pahayahay Henolos, 18; at Ramel Salcedo Biatingo, 19, mga residente ng Brgy. Cocoro sa bayan ng Magsaysay.
Ayon sa Agutaya MPS, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa grupo na pumasok sa lugar na nangingisda gamit ang “Kiming.”
“Ang kiming kung titingnan mo, para siyang pinagsamang cover ng electric fan, tapos ilalagay ang pain sa loob saka siya binababa sa tubig. Hindi siya bawal, pero ang mali lang kasi doon, pumasok sila sa area [ng municipal waters] ng Agutaya,” pahayag ni P/Lt. Leo Bacunga, hepe ng Agutaya MPS.
Dahil dito, sinampahan ng reklamong paglabag sa Municipal Ordinance No.30, series of 2019, amending Sec. 3 of Ordinance No. 26, series of 2014 ng Agutaya ang anim, na may kaukulang multa na P15,000 kada tao.
“Na-release namin sila agad kagabi, after nila magbayad ng fines. Grupo sila na mga tauhan lang din, ‘yung mga gamit nila at mga bangka pag-aari ng mga amo nila yan, kaya natubos din agad,” dagdag ni Bacunga.
