Ang paglilinis sa gilid ng Labog River ng mga residenteng nakatira malapit dito

Nilinis ng mga opisyal ng Barangay Labog sa bayan ng Sofronio Española, katuwang ang mga residente, ang gilid ng Labog River pati na rin ang ilalim ng tulay kung saan, maraming malalaking sanga ng punong kahoy ang bumara na nagdulot ng sunod-sunod na pagbaha na nagsimula noong humagupit ang bagyong Maring.

Sa pamamagitan ng gulpi-mano o bayanihan na isinagawa noong araw ng Sabado, Oktubre 30, ay boluntaryong tumulong ang mga residente upang tanggalin ang mga nakabarang mga kahoy at mga basura, gaya ng plastic containers at cellophane na naipon at bumara sa daluyan ng ilog.

Ayon kay kapitan Antonio Francisco, nilinis nila ang ilog upang maiwasan ang muling pag-apaw ng tubig at pagbaha sa paligid sa sandaling muling bumuhos ang malakas na ulan.

Matatandaan na noong kasagsagan ng bagyong Maring ay binaha ang barangay at ilang residente na nakatira malapit sa ilog ang naapektuhan at inilikas ng Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO).

- Advertisement -

“Umabot sa taas ng tulay ang tubig noong bumaha at marami ang bumara kaya ngayon, nilinis ng ating komunidad upang sakaling bumaha ulit ay diretso lang ang daloy ng tubig,” pahayag ni Francisco.

Samantala sa Brgy. Iraray naman, nagsagawa ng coastal cleanup ang mga opisyales sa pangunguna ni punong barangay Delfin Asil, katuwang ang Barangay Health Workers (BHW) at iba pang kawani ng barangay noong araw din ng Sabado.

Ang coastal cleanup ay taunang gawain na bahagi ng programa ng barangay bilang suporta sa National Greening Program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng programa sa pangangalaga sa kalikasan ng lokal na pamahalaan ng Sofronio Española.

Previous articleLPA to enter PAR, but not likely to become a storm
Next articleRaisers urge DA to speed up issuance of rabbit slaughter standards
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.