Pinag-iingat ng mga lokal na pamahalaan ng Brooke’s Point at Sofronio Española ang kanilang mga residente dahil sa banta ng muling pagbaha dulot ng walang humpay na buhos ng ulan dahil sa epekto ng low pressure area (LPA).
Sa mga nakalap na impormasyon ng Palawan News, simula pa lamang nang pagbuhos ng ulan ay naghanda na ang ilang residente upang mabilis na makalikas kung sakali mang bumaha
“Itinaas na namin yon mga gamit na posibleng maabot ng pagbaha. Nakapag pack na rin kami ng mga gamit na kakailanganin kung kailangan ng mag-evacuate,” ayon sa residente na si Loida Sumrang ng Brgy. Pangobilian sa bayan na ito.
Kumalat rin ang post sa social media ng ilang mamamayan na kanilang ipinagdarasal na sana ay tumigil na ang ulan dahil ayaw nilang maulit ang nakakapangipabot na karanasan sa pagbaha kamakailan.
Suspindido na rin ang mga klase sa mababa at mataas na antas ng mha paaralan sa bayan. Kasabay nito ay nakahanda na rin ang mga evacuation centers para sa mga lilikas kung magtutuloy-tuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan.
“Maging handa po tayo palagi, maulan na naman sa bayan ng Brooke’s Point. Ingat po tayong lahat,” ayon sa risk reduction officer ng Brooke’s Point na si Joey Herredero.
Maging ang tanggapan ng lokal na Department of the Interior and Local Government (DILG) na si Lilet Atienza ay naghayag din ng paaalala sa mga opisyales ng barangay na maghandaang kanilang mga rescue team at ihanda ang puwedeng maging evacuation area.
Sa bayan naman ng Sofronio Española, ipinag-utos na ni Mayor Abner Tesorio ang pag-suspinde sa lahat ng antas sa klase sa pribado at pampublikong paaralan ngayong araw, January 31, dahil sa posibleng pagbaha rin.
Idinaan ito ng lokal na pamahalaan sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)
“Due to [continuous] bad weather caused by the trough of the low pressure area (LPA), classes in all levels both public and private schools [are] hereby suspended today,” ayon sa MDRRMO.
Samantala, agarang nagbigay naman ng babala ang MDRRMO sa mga punong barangay na magbigay alam agad sa kanila kung may mga lugar makakaranas ng pagbaha, landslide, o anumang klase ng sakuna dulot ng malakas na buhos ng ulan.
Dakong alas-dyes (10 a.m) naman ng umaga ng agarang pinauwi ng pamunuan ng Sofronio Española Central School (SECS) sa Barangay Pulot Center Poblacion ang mga batang pumasok ngayong araw upang sundin ang class suspension na ipinatutupad ng Pamahalaang lokal.
Sa huling taya ng PAGASA, umaga ng martes, kabilang ang probinsya ng Palawan sa kategoryang yellow warning level dulot ng LPA.