SAN VICENTE, Palawan — Muling nalubog sa baha ang mga kabahayan sa Barangay New Canipo sa bayan na ito kahapon, Disyembre 3, dahil sa walang humpay na ulan.
Ayon kay Gloria Bautista, kalihim ng barangay, halos buong lugar nila ang naapektuhan nang pagtaas ng tubig baha, lalo na ang mga purok ng Magsasaka, Pagkakaisa, Tagumpay, at Pag-asa.
Nagsimulang tumaas ang tubig baha mga 2:30 nang hapon na tumagal hanggang alas 5 nang hapon na unti-unti na ding humupa sa mga sumunod na oras kasabay ng paghina ng ulan.

“Umabot sa may hita sa kalsada, at sa mababang bahagi ng lugar ay umabot sa bewang hanggang sa dibdib lalo yung nandoon talaga sa mababang area,” pahayag ni Bautista.
Pinasok rin ng tubig baha ang barangay hall, day care centre, simbahan, at senior citizens’ office sa nasabing lugar. Mga baradong canal at maliliit na culvert ang hinihinalang dahilan ng pagtaas ng tubig baha sa New Canipo.
“Maaaring mga baradong kanal at maliliit kasi ang mga culvert dito kaya hindi agad makalabas ng mabilis ang tubig,” pahayag pa ni Bautista.
Inimbitahan naman ng barangay council ang mga concerned offices ng lokal na pamahalaan ng San Vicente upang matulungan silang tukuyin at pag-aralan ang sanhi ng mabilis na pagtaas ng tubig baha.
Napagkasunduan ng buong konseho na magpasa ng isang resolusyon para sa mabilisang pagsasaayos ng kanilang drainage at madagdagan ng malalaking culvert.
“Pinag-usapan po ng council na kailangan naming gumawa ng resolution para sa pagsasaayos ng mga drainage at mapalitan ng malalaking culvert para na din humingi ng tulong sa mga concern offices sa pagpapaayos ng mga nasira naming daanan o kalsada dahil sa baha,” dagdag pa niya
Hindi naman nagpabaya barangay sa pagmo-monitor ng nasabing lugar sa kasagsagan ng pagtaas ng tubig baha. Agad nilang pinalikas sa mataas na bahagi ang mga residente at inipon sa barangay covered gym. Pinayagan nilang bumalik sa kanilang mga tahanan ang mga ito pagkatapos humupa ang baha.
“Noong humupa na ang tubig baha saka namin pinayagan umuwi ang iba at iba naman ay nakitulog sa mga kaanak na nasa mataas na bahagi ng lugar.
Walang naitalang nasugatan o nasaktan sa baha maliban sa ilang alagang hayop na nalunod, nabasang bigas at mga paninda, at mga appliances ng mga residente.
Agad din na rumesponde ang MDRRMO San Vicente sa nasabing area, ayon pa kay Orlando Estoya, hepe ng nasabing tanggapan.
“Immediately, upon receiving ng report, we dispatched a rescue team with two rescue pickups and one dumptruck to Canipo for possible evacuation operation. Immediately, pagdating sa area we established a command center to manage the flooding incident. And EOC natin ay agad nag-coordinate sa Philippine Marines na agad ding nagpunta sa area to help our team for possible evacuation,” pahayag pa ni Estoya
“Early this morning (December 4), nag-dispatch tayo ng RDANA team to assess and evaluate ang damages sa infra at livelihood brought about ng tuloy-tuloy na ulan kahapon. So, far wala naman po naulat na injuries to residents,” dagdag ni Estoya



