Nagkaloob ng iba’t ibang serbisyo ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Narra sa pamamagitan ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Barangay Estrella Village noong araw ng Biyernes, September 17.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ay ang libreng gamot at pre-natal services sa mga buntis at iba pang serbisyong medikal. Nagsagawa rin ng seminar sa famiy planning ang Municipal Health Office (MHO) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Nagkaloob din ng live birth registration ang Municipal Civil Registrar’s Office para sa mga residenteng wala pang birth certificate.
Namahagi naman ng buto ng iba’t-ibang gulay para pantanim ang Municipal Agricultures Office (MAO) upang magkaroon ng karagdagang mapagkukunan para sa pang araw-araw na pangangailangan.
Ayon kay Leny Escaro, Municipal Local Government Operation Officer (MLGOO), mahalagang maihatid ang mga serbisyong ito upang maramdaman ng mga mamamayan na hindi pinapabayaan ng pamahalaan ang mga nasa malalayong mga komunidad dahil isa ito sa mga maaaring maging dahilan upang mahikayat silang sumanib sa makakaliwang grupo.
“Mahalagang dalhin ang programa ng gobyerno sa komunidad, at magkaroon ng information and education campaign sa kanila, upang maramdaman nila na ang serbisyo ng ating pamahalaan ay hindi malayo sa kanila,” pahayag ni Escaro, Linggo, September 19.



