Map of San Vicente from Google Maps

Palalakasin pa ang kakayahan ng mga purok at barangay sa bayan ng San Vicente sa pamamagitan ng paglalaan ng mas malaking pondo para sa kanila sa 2022, ito ang tiniyak ni mayor Amy Alvarez.

Sa press release na inilabas ng Information and Communications Section (ICS) ng kanyang tanggapan ay sinasabi na ang pagdadagdag ng ilalaang pondo sa susunod na taon ay para maisakatuparan ang mga pinapangarap na programa ng munisipyo at proyekto na hindi naisagawa dahil sa hindi paglaan ng pondo ng nakalipas na pamunuan.

Ang karagdagang pondo para sa mga purok at mga barangay ay nasa ilalim ng 2022 Annual Budget na may kabuuang halaga na P562.9 milyon na ipinasa na sa Sangguniang Bayan noong Oktubre 15 ng opisina ni Alvarez.

Napapaloob dito ang P72 milyon para sa pagpapatuloy ng Barangay Renewal and Restoration Program (BRRP), ang programa na naglalayon na isulong ang kaunlaran sa bawat barangay sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga gusali, kalsada, tulay, streetlights, water supply systems, at iba pa na nakabatay sa kanilang pangangailangan.

Kasama rito ang halaga para sa pagbili ng lupa na siyang pagtatayuan ng mga nasabing proyekto.

Mula sa P3 milyon na alokasyon sa bawat barangay ay itinaas ito sa P5 milyon sa ilalim din ng BRRP.

“Nakikita at nararamdam ko ang pangangailangan ng ating mga barangay lalo’t alam ko na mababa lang ang kanilang pondo galing sa Internal Revenue Allotment (IRA). Hindi natin hahayaan na makita silang nahihirapan samantalang may sapat na pondo naman para sa kanilang pangangailangan,” saad ni Alvarez.

Dahil sa BRRP, ang mga barangay ng New Canipo, New Agutaya, Caruray, at Kemdeng ay matagumpay na nakabili ng lupa na pagtatayuan ng mga pangunahing gusali para sa mas mabilis at epektibong pagbibigay serbisyo.

Upang masiguro ang seguridad at kapayapaan ng mga residente, ay minabuti rin na bumili ng lupa para sa pagpapagawa ng Law Enforcement Detachment Unit (LEDU) sa magkabilang dulong barangay, sa Barangay Binga at Caruray.

Para naman sa 87 sitio o purok, inilunsad sa nasabing Annual Budget ang SPED Program o ang Sitio-Purok Economic Development Program na naglalaan ng P100,000.00 pondoisa para sa pagtataguyod ng kanilang matutukoy na development programs at projects.

Layunin ng SPED Program na bigyan ng pagkakataon na maging kabahagi sa pagpaplano ang mga organisasyon sa bawat sektor sa komunidad para sa mas komprehensibong paglikha ng development plan ng barangay at munisipyo. May insentibo ring inilaan para sa mga aktibong opisyal ng bawat sektor tulad ng nakatatanda, kababaihan, kabataan, magsasaka, mangingisda at katutubo.

“Naniniwala ako sa bottom-up approach pagdating sa pagpili ng mga projects sa mga sitio at purok. Kaya palalakasin natin ang mga ito at pupunduhan ang kanilang mga napiling proyekto” ayon kay Alvarez.

P113 milyon ang kabuuang inilaan para sa direkta at aktuwal na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga barangay na kinabibilangan ng mga nasabing programa. Kasama na ang para sa kapakanan ng ating mga mamamayan, kabataan, mekanisasyon ng agrikultura at pangingisda, pagsasaayos ng patubig at kuryente para sa lahat, at pagpapaunlad ng labor force.

Ang programang BRRP at SPED ay nasa ilalim ng P177.8 milyong Development Programs and Projects ng Munisipyo. Napapaloob din dito ang mga sumusunod:

  • i-CARE Program o Integrated COVID-19 Aid and Restarting the Economy
  • Investments on Social Welfare
  • Youth and Manpower Development
  • Agriculture and Fisheries Mechanization Program
  • Investments under Water and Sanitation for All Program
  • LGU Assets Management Program
  • Ipasa ang Liwanag Program.

Previous articleSofronio Española MDRRMO nagsasagawa ng climate and disaster risk assessment sa mga barangay
Next articleDating tricycle driver gustong magsilbi sa Puerto Princesa bilang lider
is the chief of correspondents of Palawan News. She covers defense, politics, tourism, health, and sports stories. She loves to travel and explore different foods.