Pinasagasaan sa pison ang 207 na monoblock chairs na nagkakahalaga ng P49,725 upang hindi na ito maibenta pa sa merkado dahil walang mga safety standard stickers tulad ng BPS o ICC stickers. Pinangunahan ng DTI-OrMin ang inisyatibo na wasakin ang mga tinaguriang substandard na produkto nang hindi na rin ito mabili ng mga consumers. (Larawan ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro — Kinumpiska ng Department of Trade and Industry-Oriental Mindoro ang mga substandard na produkto na kanilang nakumpiska mula sa apat na bayan sa lalawigan na umabot sa P118,040 ang halaga.

Ang mga naturang produkto ay walang safety standard sticker ng Bureau of Philippine Standard (BPS) at Import Commodity Clearance (ICC) na siyang garantiya na matibay ang mga produktong ibinibenta sa pamilihan.

Isinagawa ang “Disposition/Destruction of Confiscated Substandard/Uncertified Products” na pinadaan sa pison sa labas ng kanilang tanggapan noong Oktubre 29.

Ayon kay DTI Provincial Director Arnel Hutalla, kinumpiska nila ang mga produkto mula sa mga bayan ng Roxas, Pinamalayan, Victoria at lungsod ng Calapan. Ito ay kinabibilangan ng 76 flat iron o plantsa na nagkakahalaga ng P28,386,207; monoblock chairs (P49,725); at 464 UPVC pipes (P39,929) na nasa ilalim ng Mandatory Certification na kabilang sa household appliances, electric and electronic products at mechanical/building and construction materials.

Dagdag pa ng opisyal, ang mga establisyimento ay binisita ng Regional Monitoring and Inspection Team o RMIT noong Pebrero-Agosto at kanila ngang napag-alaman na ang mga produktong nabanggit ay walang mga BPS at ICC sticker. Aniya, ginagawa ng ilang mga importer na habang pinoproseso ang mga papeles para matatakan ng marka ay kanila na itong dinadala sa kanilang mga dealer kung kaya matapos makumpleto nila ang mga rekisitos ay hindi na natatatakan ang kanilang mga produkto.

Kasunod nito ay agad nilang padadalhan ang mga importer o manufacturer ng Notice of Violation at pagkatapos ay kailangang dumalo sa mga hearing sa korte upang doon ipaliwanag ang pangyayari at iprisinta ang mga kaukulang dokumento. Kapag napatunayan ang paglabag sila ay pagmumultahin mula P17,500 hanggang P150,000 at maari pa nilang irekomenda sa punong bayan kung saan nakatayo ang negosyo na ipasara ito.

Paalala ni Hutalla sa mga mamimili, “huwag sa presyo tumingin kundi sa kalidad nito at hanapin ang mga marka ng BPS o ICC upang masiguro na matibay at ligtas gamitin dahil ito ang magpapatunay na dumaan sa tamang proseso ang mga produktong iyong bibilhin.”

Samantala, ngayong nalalapit na ang panahon ng kapaskuhan ay nakatakdang i-monitor ng DTI-RMIT ang mga nagbebenta ng christmas lights at iba pang mga pailaw na de-kuryente sa buong lalawigan upang masiguro na ligtas gamitin ang mga ito at may mga marka ng safety standard sticker. (DN/PIA-OrMin)

Previous articleProtected area status sought for Ursula Island
Next articleRizal delegates lack budget for Prov’l Meet