SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan —Hinihingi ngayon ni Mayor Marsito Acoy ang pakikipagtulungan ng mga indibidwal na nag-positibo sa COVID-19 sa bayang ito na makipagtulungan sa mga contact tracers sa pamamagitan ng pagsasabi ng totoo kung saang lugar sila nagtungo bago nagkaroon ng nasabing virus.
Ayon kay Acoy, mahalagang makipagtulungan ang mga pasyente sa contact tracing team ng Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19 (MIATF) upang mas madaling mahanap ang mga mamamayan na poslibleng nahawaan ng COVID-19 para makaiwas na makapanghawa sa iba.
“Malaki ang portion na ito talaga kaya nakikiusap ako sa mga COVID patients, lalo na yung local cases na sabihin talaga kung saan sila galing, oras at lugar. Napaka-importante nito dahil kung hindi nila sasabihin ang mga tamang detalye, baka ang maliit na bilang natin ngayon ng cases ay lumala dahil sa mga pasyenteng ayaw makipagtulungan sa contact tracing team,” pahayag ni Acoy.
“Katulad nito, may nag-positive na empleyado natin nakaraan. Hindi rin malaman kung saang mga lugar siya galing, bakit siya nag positive at hindi niya rin alam kung paano siya nahawa. Kaya pakiusap natin, makipagtulungan sa contact tracers, sabihin ang totoo,” dagdag niya.
Naniniwala si Acoy na kung ilalahad lamang ng mga covid patients ang mga taong maaaring nakasalamuha nila at mga lugar na napuntahan ay maaaring mas maraming indibidwal ang mahahanap ng mga contact tracers na maagang maisailalim sa home quarantine or sa quarantine facility upang hindi na makahawa pa sa iba.
Sa kasalukuyan ay mayroong 10 COVID-19 active cases na binabantayan ng MIATF sa bayang ito na nasa kanilang facility quarantine.
