Binigyang pahintulot ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Cuyo ang walong pump boat sa Barangay Manamoc para makapag-operate ng biyahe nito sa isla na nabanggit patungo sa mainland Cuyo at pabalik habang pinoproseso pa ang kanilang mga lisensya sa Maritime Industry Authority (MARINA).

Ang special permit ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng Sangguniang Bayan Resolution No. 2021-067 na iniakda ni Vice Mayor Andrew Ong at nilagdaan ni Mayor Mark Delos Reyes noong Hulyo 13.

Ang walong pump boat na may kapasidad na 3 gross tonnage ay kinabibilangan ng Mc Jhandrei, Palangga, 2 Sisters, Jones, Ian Rhey, C risten Anne, Princess Sean at Dangdang 10.

Ayon kay Delos Reyes, sa pamamagitan ng resolusyon ay binigyan ng konsiderasyon ang mga mamamayan sa isla ng Manamoc upang sila ay makapunta sa Cuyo mainland para sa ibat-ibang transaksyon sa gobyerno, health emergency at sa iba pang mga pangangailangan.

- Advertisement -

“Ang resolusyong ito ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga mamamayan sa isla ng Manamoc para may masakyan silang bangka para makapunta sa mainland Cuyo at makabalik anumang oras lalo na ngayon na tayo ay nasa gitna ng pandemya,” pahayag ni Delos Reyes.

Dagdag niya,  sa ngayon ay wala pang pumpboat na may lisensya mula sa MARINA na biyaheng isla ng Manamoc para magsakay o maghatid ng mga pasahero maliban sa mga may pribadong pag-aari na bangka.

Aniya, bago pa man niya aprubahan ang nabanggit na resolution ay nakipag-ugnayan na rin siya sa Cuyo Coast Guard Station kaugnay nito.

“Ang pahintulot na ito ay hanggang December 31 lang upang bigyang daan ang pag-asikaso nila sa mga dokumentong kailangan nila sa MARINA,” paliwanag niya.

Previous articlePalawan Queens exit Wesley So Cup, forms merger with Albay
Next articleUS donates 3.2 million one-shot Johnson & Johnson vaccines
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.