Labinglimang nanay mula sa Sitio Tabodniayo, Barangay Bancalaan sa bayan ng Balabac ang sumailalim sa anim na buwang Mother’s Class module na isinasagawa ng Provincial Nutrition Action Office (PNAO) sa ilalim ng Malnutrition Reduction Program (MRP).
Ang nasabing programa na nagsimula noong buwan ng Hulyo at nagtapos ngayong ikalawang linggo ng Disyembre ay magkatuwang na itinaguyod ng National Nutrition Council (NNC) at Department of Science and Technology-Food Nutrition and Research Institute (DOST-FNRI).
Sa nasabing Mother’s Class module, kasama ng mga nanay ang kanilang anak na naging benepisyaryo ng 120 days feeding program.
Ayon kay Rachel Paladan, hepe ng PNAO, layon ng programa na maibaba ang malnutrition o ang mga batang kulang sa timbang sa lalawigan ng Palawan.
“Napakasaya natin dahil mayroon tayong 15 na mga nanay at mga bata na nabigyan natin ng kalinga sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kanilang nutrition status. Mahalaga itong MRP kasi natuturuan natin ang ating mga nanay ng nutrition education na tinatawag o tamang pag-aalaga at pagpapakain sa kanilang mga anak upang mapanatili ang kalusugan ng kanilang mga anak,” pahayag ni Paladan noong Disyembre 15.
“Thankful tayo kasi ‘yong support ng LGU natin lalo na ‘yong barangay Bancalaan, kasama diyan ‘yong mga BEANS (Barangay Environment, Agriculture and Nutrition Scholars) natin, nurses from MHO at mga partner agencies natin kasi sila talaga ang nage-execute ng program sa kanilang locality, tayo is to provide technical assistance and lahat ng needs nila for augmentation support,” dagdag niya.
Aniya, maliban dito ay may iba pang programang pangnutrisyon ang PNAO na patuloy na isinasakatuparan sa lalawigan, kabilang ang feeding program sa mga bata, pagkakaloob ng micronutrient supplements, pagbibigay ng mga multi-vitamins para sa mga buntis, konsultasyon para sa mga severely acute malnourished na mga bata, at ang nagpapatuloy na mother’s class program para sa mga nanay at buntis.