Oct 1, 2020

Mga nagtitinda sa palengke ng El Nido, apektado ng online bentahan

Kung noon ay puno ito, ngayon ay mga nasa 80-90 na lamang ang nagtitinda, kasama na ang nagbebenta ng isda at karne.

EL NIDO, Palawan — Apektado ng pag-usbong ng online bentahan at dumaraming talipapa ang mga magtitinda ng isda at karne sa palengke ng bayan na ito, ayon sa isang opisyal.

Sabi ni market supervisor Mabel Reyes ng El Nido sa panayam sa Palawan News, malaking porsyento ng mga umuukupa ng 120 stalls sa kanilang palengke ang tumitigil sa pagtitinda. Kung noon ay puno ito, ngayon ay mga nasa 80-90 na lamang ang nagtitinda, kasama na ang nagbebenta ng isda at karne.

“Bumaba na talaga, nasa kalahati na lang ang gumagalaw. Apektado talaga ang isdaan at karnehan. Actually, po kinausap na namin sila (nagtatalipapa) na dito na lang muna magtinda sa loob ng palengke,” pahayag ni Reyes.

“May mga hindi naman muna ginagamit ‘yong pwesto nila, pupuwede naman nila pansamantalang magamit ‘yon, mag-arawan lang sila. Ito ‘yong mga matagal na ring hindi nakabayad so kahit ang mga nagtitinda ng barbecue sinabihan na rin namin,” dagdag pahayag niya.

Ayon kay Reyes hindi bababa sa 10 ang nagtatalipapa sa sentro ng bayan at dagdag pa ang mga naglalako lamang sa kalsada.

Naiintindihan naman nila ang sitwasyon ngayon kaya hinimok na lamang nila ang mga ito na pumasok sa palengke. Sabi ni Reyes, malaki ang nawala sa kanilang kita dulot ng pandemya.

Sa panayam kay Divinagracia Arante, dating may puwesto sa pamilihang bayan, dahil sa tumal ng kita ay minabuti na lang niyang itigil muna ito pansamantala. Nagbukas na lang siya ng maliit na kainan at nagbebenta ng ulam.

“Sa palengke kasi hirap ang kumita ng malaki ngayon. Samantalang ang mga isda at gulay na ang lumalapit sa tao sa mas mababang presyo kaya naisip ko dagdag na rin ito sa kikitain namin kahit papaano,” pahayag niya.

Hindi naman pupwedeng buong araw lang maghintay, magkano lang ang kitain namin do’n lalo na ngayong pandemya marami na din ang nag-o-online selling,” dagdag ni Arante.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry