Sep 29, 2020

Mga motorsiklo na may open-pipe, huhulihin ng ACTF

Mga nakumpiskang motorsiklo na ginamitan ng open pipe, nahuli ng mga tauhan ng ACTF sa Hagedorn Road, Barangay San Pedro, Puerto Princesa City.

Simula sa susunod na linggo ay uumpisahan nang kumpikashin ng Anti-Crime Task Force (ACTF) ng pamahalaang panlungsod ang mga motorsiklo na may “open pipe” mula sa mga may-ari o nagmamaneho nito dahil sa paglikha ng sobrang ingay sa kalsada.

Ayon sa hepe ng ACTF na si Richard Ligad noong Miyerkules sa panayam ng Palawan News, sa ika-29 ng Hulyo ay mag-uumpisa na silang i-operate ang mga motorsiklong may open pipe ay nakikipag-ugnayan na sila sa City Environment and Natural Resources Office (City ENRO) para sa ipatutupad na “all-out operation”.

Sabi niya ang mga mahuhulimg motorcycle riders na may open pipe ay maaaring pagmultahin ng P2,500.

Ang operasyon ay bunga ng isang sumbong noong Miyerkules, ika-24 ng Hulyo, ng madaling araw mula sa Brgy. San Pedro kung saan mayroong residente na ang nanay ay may sakit pero di nakatulog ng maayos dahil sa naka-open pipe na motorsiklo na pabalik-balik na dumaan sa kanilang kalye.

Hindi binanggit ni Ligad ang pagkakakilanlan ng nag-sumbong na residente pero sinabi nito na ito ay sa Libis Road.

“Bandang ala una y media may tumawag sa atin na ang sabi niya ang kanyang nanay ay may sakit, partikular dyan sa may San Pedro sa Libis Road. Ang sabi merong naka-open pipe na takbo ng takbo, may sakit ‘yong kanyang nanay, kaya kinuha natin ang address at pinuntahan nga natin. Kasi syempre ‘yong open pipe nga na ito ay pabalik-balik. Naabutan natin, sa may area na hindi pa napapailawan sa may Hagedorn Road. Nakumpirma nga namin sa kanya na ito nga ay open pipe,” ayon kay Ligad.

Dagdag pa ni Ligad, kinumpiska nila ang motorsiklo at open pipe na gamit dahil sa perwisyong dulot ng ingay nito.

Nakipag-ugnayan din sila sa Land Transportation Office (LTO) hingil sa pagpapatupad ng kanilang isasagawang operasyon.

Pinaliwanag din ni Ligad na kailangan na itong maaksyonan sapagkat marami na ang reklamong nakarating sa kanilang tanggapan ukol sa ingay ng mga motorsiklo na may open pipe.

“Marami ng nagrereklamo sa atin, lalo na sa social media very overwhelming ang mga comments doon sa na-post natin tungkol dito. Ibig sabihin marami na talagang napeperwisyo, hanggang andito tayo patuloy nating isasagawa ang pagpapatupad nito,” sabi ni Ligad.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry