Hinihikayat at pinapayuhan ng Provincial Treasurer’s Office (PTO) ang mga nagmamay-ari ng mga ari-ariang hindi natitinag sa Palawan na maagag magbayad ng kaukulang buwis para sa taong 2022 upang makakuha ng discount at makaiwas sa multa.
Ang amilyar ay ang buwis na ipinapatong sa mga ari-ariang hindi natitinag gaya ng lupa, bahay, gusali, at mga makinarya kung saan ito ay binubuo ng 1% Basic Tax at 1% Special Education Fund (S.E.F.).
Ayon sa pahayag ng PTO sa pamamagitan ng Provincial Information Office (PIO), upang makakuha ng 20% diskwento sa pagbabayad ng kabuuang buwis, kinakailangan na makapagbayad bago matapos ang taong 2021 o hanggang sa Disyembre 31, 2021. Ang 10% diskwento naman ay maaaring makuha ng mga indibidwal na magbabayad ng kabuuang buwis hanggang Marso 31, 2022.
Sa mga nagnanais naman na magbayad quarterly, maaaring magbayad sa mga sumusunod na iskedyul:
- 1st Quarter – January 1 to March 31, 2022
- 2nd Quarter – April 1 to June 30, 2022
- 3rd Quarter – July 1 to September 30, 2022
- 4th Quarter – October 1 to December 31, 2022
Para sa mga magbabayad ng amilyar, kinakailangang dalhin ang nakaraang taong resibo, computation mula sa Municipal Treasurer’s Office o Tax Clearance.
Ayon sa Tanggapan ng Ingat-Yaman ng lalawigan, mandato ng isang lokal na pamahalaan na mangolekta ng Real Property Tax o buwis para sa mga ari-ariang di natitinag. Obligasyon naman ng mamamayan na magbayad ng buwis sa itinakdang panahon.
Sa pamamagitan ng buwis na nakokolekta ay naipapatupad ang iba’t-ibang proyekto at serbisyo ng pamahalaan.
Para sa iba pang katanungan o impormasyong nais malaman, maaring tumungo sa mga tanggapan ng Ingat-Yaman sa mga munisipyo sa lalawigan o sa Provincial Treasurer’s Office sa gusaling kapitolyo.
