Ilang mangingisda na lulan ng tatlong bangka ang nahuli ng mga tauhan ng Cuyo Municipal Police Station (MPS) matapos lumabag sa Municipal Ordinance No. 2019-1722, o ang pagbabawal nang paggamit ng compressor sa karagatang sakop ng nasabing munisipyo.
Unang naharang ng mga pulis sa pangunguna ni P/Lt. Marvin Herrera, hepe ng Cuyo MPS, ang dalawang bangkang walang pangalan sa mga isla ng Imaruan at Liang na parehong sakop ng Barangay Manamoc, alas singko at alas sais ng umaga noong Sabado, Mayo 1. Sakay ng dalawang bangka ang tag-limang mangingisda na mga residente ng Barangay Concepcion sa bayan ng Agutaya.
Alas kwatro ng umaga naman kinabukasan, May 2, ay nahuli sa akto ng mga pulis ang ang bangkang Brent sa karagatang sakop ng Sta. Filomina, Barangay Capunayan sakay ang siyam na mangingisdang residente ng Sipalay, Negros Occidental.
Matapos magbayad ng multang P2,500 kada tao ay agad ding pinakawalan ang mga mangingisda habang ang mga bangka at iba ang kagamitang pangisda na nakumpiska ay nananatili sa kustodiya ng pulisya.



