Bahagi ng pantalan sa Purok Tiesa, Sitio Balintang, Barangay Isugod, Quezon, Palawan. | Larawan mula kay Ton Abengoza.

Bagama’t nasa ilalim ng “hard lockdown” ang pantalan ng Sitio Balintang, Barangay Isugod sa bayan ng Quezon, bukas naman ito sa mga mgangingisda at pinapayagan sila ng Barangay Inter-Agency Task Force (BIATF) na makapagbenta ngunit kailangan lamang na sumunod sa mga polisiyang pinaiiral ng barangay.

Isinailalim sa hard lockdown ang nasabing lugar simula Mayo 11 hanggang Mayo 25 bunsod ng pagkakaroon ng isang residente na nagpositibo sa COVID-19 noong unang linggo ng Mayo ayon kay Kapitan Glendy Cacho nitong araw ng Miyerkules, May 19. 

“Ayon sa ating Municipal Health Officer, isa mula sa barangay natin at mayroon din kaming 24 suspects na nakasalamuha ng isang nagpositibo. Sa awa naman ng Diyos wala namang reactive sa mga suspects natin,” pahayag ni Cacho.

“Kaya agad tayong naglabas ng executive order noong May 11 na magkakaroon tayo ng paghihigpit sa Purok Tiesa, sa pantalan ng Sitio Balintang,” dagdag niya. 

Dagdag pa ng kapitan, ang mga apektadong residente sa pantalan na ang hanapbuhay ay pangingisada ay pinapayagan pa ring makapagbenta ng isda ngunit hanggang sa checkpoint lamang sila ng Sitio Balintang at hindi na pweding lumabas. Kukunin na lamang ito ng kanilang mga contact buyer sa gate dahil mahigpit nilang ipinag-utos na walang lalabas at papasok sa Purok Tiesa (Pantalan area).

“Hindi lang namin pinapayagan na may papasok at lalabas hanggang 26. Okay lang naman ang paghahanap-buhay nila sa dagat pero hindi ko pinapayagang ilako sa labas, kinukuha lang ng buyer sa checkpoint natin,” paliwanag ni Cacho.

Ayon pa sa kaniya, nagroronda rin ang mga barangay tanod sa gabi para i-monitor ang mga residente habang ipinaiiral ang curfew hours simula 10 p.m hanggang 5 a.m. 

Sa kasalukuyan, ang bayan ng Quezon ay mayroong limang aktibong kaso ng COVID-19 base sa May 18 daily bulletin ng Provincial Disaster and Risk Reduction Management Office (PDRRMO).

Previous articlePPCWD to implement online payment system soon
Next articleCovid rise in Palawan unlikely linked to plebiscite – COMELEC
is the news correspondent for Sofronio EspaƱola and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.