SAN VICENTE, Palawan — Tinipon ng Municipal Fishery Regulatory Board (MFRB) ang mga mangingisdang nag-o-operate ng baklad sa Barangay Caruray sa isang pagpupulong upang pag-usapan ang hinaing at problema ng mga ito, partikular ang posibilidad nang pagdagdag ng lugar kung saan maaaring maglagay ng baklad.
Ayon kay municipal agriculturist Rufino Clavecilla, kasalukuyang nirerebisa ang zoning ordinance ng munisipyo at bilang bahagi ng pag-aaral ay isinagawa ang pagpupulong upang mabigyang pansin ang panig ng mga nagmamay-ari ng baklad at maikonsidera sa mga pagbabagong gagawin sa ordinansa.
Ayon pa sa MFRB, ilan sa mga operasyon ng baklad sa naturang barangay ay maituturing na iligal dahil sa kakulangan ng dokumento partikular ang zoning clearance na isa sa mga kinakailangan para mabigyan ng mayor’s permit.
“Ito (baklad zone) ay inilagay natin para maisaayos natin ang paggamit ng ating karagatan o ‘yung pagsosona-sona ng ating karagatan. Dahil kung wala tayong mga ginawang pagsosona, rumble rumble tayo. Kanya-kanya na lang at wala tayong tinatawag na kaayusan sa paggamit ng fishery resources,” paliwanag ni Municipal Planning and Development Coordinator Jessie Velete habang ipinpakita ang zone map ng naturang barangay.
Dagdag pa ni Velete, pinag-aaralan pa nila “kung saan pa ang mga possible areas o kung saan ang inyong mga area ng mga baklad upang maisama na natin sa pagre-revise natin ng zoning map”.
Kasama rin sa tinalakay ang mga Marine Protected Area kung saan, ipinaliwanag ni Clavecilla na ipinagbabawal ang paglalagay ng mga baklad malapit dito na may itinakdang 200 metrong buffer zone, at ang batayan ng wastong sukat o distansya ng baklad sa pampang o shoreline at sa mga bahura.
Idinagdag din ng MFRB na kanilang pag-aaralan ang mga mungkahing ipinarating ng mga baklad operators upang maikonsidera sa mga pagbabagong gagawin sa zoning ordinance.
Base sa huling tala ng Business Permits and Licensing Office (BPLO), nang sila ay magsagawa ng imbentaryo noong buwan ng Pebrero ay may kabuuang 37 ang mga nakatayong baklad sa Bgy. Caruray .
Pinasalamatan naman ng mga mangingisda ang MFRB sa pagkakataong maiparating ang kanilang mga hinaing at sa pagpapahalagang ibinibigay nito sa kanilang kabuhayan.
“Maraming salamat sa pagtugon ng aming mga problema, at higit sa lahat, napasyalan ninyo kami rito sa Bgy. Caruray. Napakalaki ng problema dahil iyan lamang ang source of income namin pagdating ng amihan. Although hindi naman yearly talagang kumikita, maraming salamat sa inyo, nasabi namin ang hinaing namin at naunawaan ninyo kami,” pahayag ng isa sa mga baklad operators.