Labing dalawang mangingisda mula sa Cebu ang magkakasunod na nahuli ng mga tauhan ng Busuanga Municipal Police Station (MPS) sa karagatang sakop ng bayan ng Busuanga noong araw ng Sabado, Abril 10, at Linggo, Abril 11.
Unang nasabat ng pulisya noong Sabado sa layong five nautical miles mula sa Barangay Chey ang bangkang Baby Joy-1 sakay ang ang mga mangingisdang sina Edelson Pelayo, 52, kapitan ng bangka, Jan Jan Otsiya, 31, James Aresgado, 27, at ang bangkang Baby Joy-21 sakay naman sina Jeffrey Pelayo, 42, kapitan ng Bangka at dalawa pang kasama nito na sina Dizon Cataquez, 34 at Ronnel Torrevillas, 28, mga residente ng Bogo, Cebu.
Ang mga mangingisda ay hinuli dahil sa paglabag sa Section 32 ng Municipal Ordinance No. 26o hinggil sa iligal na pangingisda sa karagatang sakop ng Busuanga.
Sa ulat ng Busuanga MPS, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa mga nangingisda sa lugar na mula sa ibang probinsya.
“Nag-seaborne patrol kami mga bandang alas dos ng madaling-araw, inikot namin ang northern seaboard ng Busuanga. Nakita naming ang dalawang bangka, hinarang na agad namin at ipinakita namin sa kanila ang GPS locator. Dito makikita na pasok na pasok sila sa municipal waters ng Busuanga,” pahayag ni P/Lt. Jerry Barrientos Jr., hepe ng Busuanga MPS.
Kinabukasan araw ng Linggo, bandang alas kuwatro ng madaling-araw muling nag-patrolya ang mga pulis sa bahaging sur naman ng bayan matapos na makatanggap ng report na may namataang bangka apat na milya ang layo mula sa West Naluat Island ng Barangay Maglalambay.
Bandang alas syete nang mamataan at hinarang ang mga bangkang Marjorie Hope-1 at Marjorie Hope-8, sakay ang anim katao na kinilalang sina Glenn Malinao, 45; Jose Brian Malinao, 41; Perlito Blanker, 24; Danila Umpad, 42; Jundre Malinao, 33; at John Carlo Pelayo, 21 na nagmula rin sa Bogo, Cebu.
Ayon pa kay Barrientos, ginawang fishing ground ng mga ito ang dagat ng munisipyo dahil sa maraming mga flying fish na mahuhuli sa lugar. “Maraming flying fish dito kaya dito ang paborito nilang pasukin para manghuli ng isda,” dagdag niya.
“Tagdadalawa kasing bangka yan, tandem yan. Ang isa ang nag-a-arya ng lambat at yung isang bangka naman ang nag-iikot,” sabi pa nito.
Samantala, agad din na pinalaya ang mga mangingisda matapos na magbayad ng kaukulang multa dahil sa paglabag na nabanggit.



