Ipinaliwanag ni Erlan D. Pasana, Information Officer ng DA-ATI ang 'School-On-the-Air on Smart Rice Agriculture (SOA-SRA)' proram na ipatutupad sa mga magsasaka sa Roxas at Taytay, Palawan. | Larawan ni Orlan Jabagat/PIA-Palawan

Tinatayang nasa 400 mga magsasaka mula sa Bayan ng Roxas at Taytay ang sasailalim sa ‘School-On-the-Air on Smart Rice Agriculture (SOA-SRA)’ program na may temang Palay Aralan: Makabagong Pagsasaka sa Himpapawid’.

Nakatakdang simulan ito sa Abril 26 at magtatapos sa Hulyo 7,  kung saan nakapaloob dito ang 22 aralin na isasahimpapawid dalawang beses sa isang linggo.

Layon nito na mabigyan ng kaalaman ang mga magsasaka patungkol sa smart rice production o mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka.

Ang mga magsasaka na makakasama sa programang ito ay kinakailangan nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at kinakailangan ding nakapag-enrol sa nasabing programa.

Ayon kay Erlan D. Pasana, Information Officer, ang SOA-SRA ay ipinatutupad ng DA-ATI sa mga probinsiyang mayroong sakahan na umaani lamang ng mababa sa apat na tonelada kada ektarya at ang programang ito ay nakatuon sa makabagong pagsasaka partikular sa NextGen varieties ng palay, hybrid, Rice Crop Manager (RCM), Philippine Rice Information System (PRISM) at Pest Risk Identification and Management (PRIME) at iba pa.

Ang school on the air ay itataguyod ng Department of Agriculture-Agricultural Training Institute (DA-ATI) ngayong Abril katuwang ang Department of Agriculture Regional Field Office (DA-RFO)-Mimaropa, Philippine Rice Research Institute (PhilRice), Regional Agriculture and Fishery Council (RAFC), Philippine Information Agency (PIA)-Mimaropa, Lokal na Pamahalaan ng Palawan, Lokal na Pamahalaang Bayan ng Taytay at Roxas, Western Philippines University (WPU), Radyo Pilipinas-Palawan, at dalawa pang istasyon ng radio sa Roxas at Taytay. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About Post Author

Previous articleMagkapatid na most wanted dahil sa tangkang pagpatay, arestado sa Antique
Next articleDalawa arestado sa iligal na sabong sa Narra