SAN VICENTE, Palawan — Nakatanggap ng fertilizer vouchers ang may kabuuang bilang na 1,209 benepisyaryong magsasaka ng bayan na ito mula sa Rice Resiliency Project (RRP) II ng Department of Agriculture (DA).
Ang pamamahagi ng fertilizer vouchers sa mga magsasaka sa barangay ay isinagawa noong ika-23 hanggang ika-26 ng Mayo sa pangunguna ng DA at sa pakikipagtulungan ng Municipal Agriculture Office (MAO).
Ang proyektong RRP II ng DA ay naglalayong mapataas ang produksyon ng palay at maiangat ang kita ng mga magsasaka sa bansa, ayon kay Municipal Rice Report Officer Medjie C. Zabalo.
Aniya, ang mga benepisyaryong magsasaka ay nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at tumanggap ng libreng binhi ng palay mula sa programang itinataguyod ng DA.
“Dapat rehistrado sila o nag-update ng kanilang RSBSA. Continuous ang updating natin hanggang ngayon. ‘Yun ang naging basehan [ng pagpili ng mga benepisyaryo] at the same time qualified silang kumuha ng inputs. Nakakuha sila ng mga binhi, kaya may ayudang fertilizer,” paliwanag ni Zabalo.
Sa ilalim ng proyekto, may nakalaang P2,000 fertilizer voucher sa kada ektaryang pagtatamnan ng inbred seeds habang P3,000 fertilizer voucher naman sa kada ektaryang lupain para sa pagtatanim ng hybrid seeds.
Ang naturang voucher ay magagamit ng mga magsasaka upang makabili ng abono sa mga accredited fertilizer supplier.
Noong time na nag-distribute ng voucher si DA facilitated by LGU ay nandiyan agad si merchant – ‘yung supplier kasama rin. Dito ay na-scan agad ang voucher ni farmer. Nakapag-decide din at the same time si farmer kung ano ang kukunin niya kung urea o 14-14-14,” ayon pa kay Zabalo.
Sa ngayon ay claim stub pa lamang ang hawak ng mga magsasaka. Magtatakda ng araw ng delivery ang supplier upang makuha ng mga magsasaka ang kani-kanilang abono.
Dagdag pa Zabalo, sinisikap ng MAO na makipag-ugnayan sa nasa 100 magsasaka na hindi pa nakakakuha ng kanilang ayuda sa abono.
Samantala, maituturing na maganda ang naging ani ng mga magsasaka ng palay sa munisipyo nitong nagdaang cropping.
“Ang feedback din nila, based sa report nila, maganda ang ani. Mataas ang yield nila per hectare lalo pa sa hybrid,” pahayag ni Zabalo.



