SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Hinihikayat ng Municipal Agriculture Office(MAO) sa bayan na ito na maaari nang magsimula ang mga magsasaka ng palay ngayong buwan ng Hulyo na magkaroon na ng kanilang cropping sa kanilang mga sakahan sa kabila ng matagal na drought season noong mga nakalipas na buwan at sinabayan pa ng community quarantine dulot ng banta ng COVID-19 sa buong bansa.
“Nagpapasalamat nga tayo kasi noong mga nakalipas na buwan ng May at June naibigay na natin sa lahat ng farmer associations natin ang mga binhi o rice seeds sa kanila sa ilalim ng programang RCEF (Rice Competitiveness Enhancement Funds) ng Department of Agriculture (DA),” pahayag ni municipal agriculturist Aristotle Supe sa Palawan News.
Tinatayang nasa tig-singkwentang kaban na rice seeds mula sa RCEF program ang naibigay nila sa 28 rice farmers association sa siyam na barangay sa bayan na ito.
“Naibigay na natin yon at nai-distribute na sa kanilang mga miyembro — kahit papaano may binhi na sila na itatanim sa cropping,” ayon kay Supe.
“May mga barangay tayong irrigated kaya lang talaga since May at June hirap silang makakilos para makapagtanim dahil sa mga restriction natin lalo na noong Enhanced Community Quarantine,” dagdag niya.
Hinihikayat ni Supe ang lahat ng Rice Farmers Associations sa kanyang bayan na magsimulang magsaka ng kanilang mga sakahan lalo na dahil malaking tulong na rin ang simulang pag-uulan ngayong buwan ng July at sa mga susunod pang buwan.
“Hinihikayat na natin silang magsaka dahil advantage na rin ang ulan ngayon para kahit papaano sa gitna ng krisis ay ma sustain pa rin natin ang income ng ating mga magsasaka ng palay at syempre ang kanilang pamilya,” pahayag ni Supe.