Naglabas ng isang kautusan ang Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) on COVID-19 ng bayan ng Magsaysay na nagre-require sa mga pamilya na kumuha muna ng clearance mula sa lokal na pamahalaan bago magsagawa ng mga pagtitipon, tulad ng kasal, binyag, birthday celebration, lamay, at iba pang kahalintulad na gawain.

Ang nasabing kautusan base sa MIATF advisory na nilagdaan ni Mayor Manuel Abrea noong Oktubre 25 ay magtatagal hanggang Nobyembre 15.

Layunin nitong ma-regulate at mabantayan ang mga pagtitipon sa mga barangay habang nasa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.

Ayon sa advisory, ang magpapakasal at magpapabinyag ay pinapayagang magkaroon ng hanggang anim na pares lamang ng ninong at ninang.

- Advertisement -

Para naman sa patay, binibigyan ang pamilya ng namatayan ng hanggang 10 araw para makapaglamay.

Dagdag dito, ang lahat ng dadalo sa mga pagtitipon ay kailangang magsulat ng kanilang pangalan at contact number sa isang logbook na maaring magamit sa contact tracing.

Kasama rin sa advisory ang pagbabawal ng pagsasagawa ng sabong at videoke.

Ayon kay acting information officer Mark Lorenz Rabang, ang inilabas na abiso ay bilang bahagi pa rin ng hakbang upang matiyak na ligtas ang bawat mamamayan sa banta ng COVID-19.

Hiling niyang makipagtulungan ang mga barangay sa buong munisipalidad ng Magsaysay upang hindi lumala ang sitwasyon ng COVID-19 sa kanilang bayan.

Ngayong huling linggo ng Oktubre ay mababa na ang kaso ng COVID-19 sa bayan.

Sa huling tala na inilabas ng Provincial Disaster and Risk Reduction Management Office (PDRRMO) nitong Oktubre 28, ang bayan ng Magsaysay ay mayroong tatlong aktibong kaso na kinabibilangan ng isang RT-PCR confirmed at dalawang Rapid Antigen Testing (RAT) reactive cases.

Previous articleBuwan ng Katutubong Pilipino, ipinagdiwang ng isang komunidad sa bayan ng Sofronio Española
Next articleSSS extends calamity assistance to members, pensioners affected by Typhoon Fabian
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.