Ang mga estudyante habang tinutulungan ng kanilang mga guro na makatawid matapos na bumabaw na ang tubig sa ilog. | Larawan mula kay Helen Esguerra.

RIZAL, Palawan — Usap-usapan ngayon sa social media ang ilang larawan ng mga mag-aaral at mga guro sa Balingasag Elementary School (BES) sa Barangay Culasian sa bayan ng Rizal, habang tumatawid sa umaapaw na ilog noong November 8.

Hindi kasi makatawid ang mga ito dahil sa panganib sakaling pilitin nilang suungin ang ilog.

Ang kahilingan ng mga estudyante at guro ng BES, sana ay gawaan ng paraan na maayos ang tulay at gawin itong matibay para sa kanilang kaligtasan.

Kuwento ni Helen Esguerra, isa sa mga guro ng BES, tanghali ng magsimulang lumakas ang buhos ng ulan sa kabundukan kaya tumaas ang tubig ilog. Ilang sandali lang ay umapaw na ito sa tanging tulay na gawa sa kahoy na daanan nila para makapasok at makauwi.

“Mga bandang 12:30 nagsimula ang ulan. Humigit kumulang alas dos ng hapon umapaw na ang ilog, maganda pa ang panahon kahapon ng umaga, matindi ang init at sikat ng araw. Hindi namin inaasahan na ganito kataas ang tubig sa ilog dahil sa sobrang lakas ng ulan sa loob lamang ng isa’t kalahating oras,” pahayag ni Esguerra.

Agad na aniyang itinigil ang klase sa kanilang eskwelahan at pagkatapos ay naghanda na silang umuwi, lalo na ang mga bata, kung makikita nilang bumaba na ang tubig sa ilog.

“Inantay namin na bumaba ang tubig hanggang sa makita na ang tulay bago po namin itinawid ang mga bata. May bahagi pa kasi na makulimlim sa bundok kaya pinilit na namin bumaba dahil malayo pa ang uuwian ng mga estudyante namin at kami na rin pong mga guro, mga lagpas alas dos na kami ng hapon tumawid. Ligtas naman ang mga bata,” kuwento pa niya.

Ayon pa kay Esguerra, madalas nilang nararanasan ang sitwasyon kung panahon ng tag-ulan.

Kapag umapaw ang ilog, natatakpan ang tulay at hindi ligtas para sa kanila na tawirin. Maliit lamang ito at hindi rin matibay para kumpiyansa ang mga estudyante at guro na katulad niya.

Dagdag pa sa kanilang problema ang nasa tatlong kilometrong maputik na daan mula sa national highway patungong eskwelahan tuwing panahon ng tag-ulan.

Samantala, umaasa si Esguerra na sana ay makita ng gobyerno ang sitwasyon na kanilang nararanasan, lalo na para sa mga bata na nangangailangan ng ligtas na tulay o daan upang makapag-aral.

About Post Author

Previous articleYoung entrepreneur dominates 1st Subaraw Barista Competition
Next articlePalawan hailed ‘Most Desirable Island’ in 21st Wanderlust Travel Awards
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.