PIA file photo

SAN JOSE, Occidental Mindoro — Nagsama-sama ang mga lider-magsasaka ng lalawigan sa harapan ng National Food Authority-Nawaco Compound sa bayang ito kamakailan upang manawagan ng tulong sa pamahalaan.

Ayon kay Jose Vidal, pinuno ng Committee on Food Staple sa Regional Agricultural Fishery Council (RAFC), “tulad ng kaparehong kilos-protesta ng mga kapwa namin magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng bansa, layon ng aming pagsasama-sama na hilingin sa ating Pangulo na ibasura na ang RA 11203 o Rice Tariffication Law, na sa aming pananaw ay nagpapahirap sa aming hanay.”

Sinusuportahan din aniya ng kanilang grupo ang malawakang panawagan na pagpapatigil sa pag-aangkat ng bigas, pagbabayad ng pamahalaan sa lugi ng mga magsasaka dulot ng bagsak-presyong palay, at hindi pagbuwag sa mga institusyong may hatid na malaking kapakinabangan sa mga magsasaka, tulad ng Philippine Agricultural Fishery Council (PAFC).

“Pangunahin ding kaakibat ng aming pagkilos ngayon ang pakiusap sa ating mahal na Pangulo na bilhin na ng pamahalaan ang aming palay,” dagdag ni Vidal na sinang-ayunan ng lahat ng farmer leaders na dumalo sa kilos-protesta.

Dahil puno na ng bigas ang mga kamalig ng National Food Authority (NFA), sa labas na ng NFA warehouse pansamantalang ilalagay ang mga nabibiling palay ng nasabing ahensya. (Voltaire N. Dequina /PIA Occ Min)

Isinalaysay naman ni Jossie Maramot, tagapangulo ng Municipal Agricultural Fishery Council (MAFC) ng bayan ng Rizal, ang hinaing ng mga magsasaka sa lalawigan. Aniya, ang programa ng pamahalaan na pataasin ang produksyon ng mga lokal na magsasaka ay tila taliwas sa kasalukuyang sitwasyon.

“Sinasabi ng Department of Agriculture (DA) na ang pinakamabisang panlaban namin sa Rice Tariffication ay ang pagpapataas ng aming ani, pero kahit tumaas ang aming produksyon, paano kung ganitong wala namang bumibili ng aming palay?” tanong ni Maramot. Dagdag pa ng MAFC Chairman, ang tanging inaasahan nilang bumili ng kanilang ani ay ang pamahalaan sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA). Subalit bukod aniya sa limitado lamang ang pondo ng ahensya sa pamimili ng butil, wala na ring paglalagyan sa kanilang mga bodega.

“Puno na ng bigas ang mga NFA warehouse kaya hindi na sila makapamili. Ang aming palay ay nabasa na ng ulan sa pila habang ang iba naming kasama, nakaimbak sa bahay ang bulto-bultong sako ng kanilang ani, at ngayon nga ay magtataniman na uli,” salaysay pa ni Maramot.

“Hindi naman namin maibenta ang aming palay sa private traders dahil sobrang baba ng presyo nila,” dagdag namang himutok ni Vidal. Binibili aniya ng mga ito ng P12-13 lamang ang bagong-aning palay at P14-P15 naman kapag tuyo. “Pinakamataas ang kuha ng NFA sa halagang P19 bawat kilo kapag tuyo, malinis at maganda ang aming palay,” dagdag pa ni Vidal.

Sa kabilang dako, ipinaliwanag ni Lilibeth Ignacio, Provincial Manager ng NFA-Occ Min, na dahil hindi kayang tanggapin ng kanilang tanggapan nang sabay-sabay ang lahat ng butil na dadalhin sa kanila ay nagtakda sila ng schedule sa mga magsasakang magbebenta ng palay sa NFA. “Kaya lang, marami sa ating mga magsasaka ang hindi sumusunod (sa schedule) kaya nagtatagal sila sa pila,” ayon kay Ignacio.

Humingi rin ng pang-unawa si Ignacio kaugnay sa iba pang hinaing ng mga magsasaka. “Nagtatrabaho kahit lagpas sa oras ang aming mga kawani, ang iba ay pumapasok kahit day-off nila. Ginagawa namin ang lahat upang makapaghatid ng mabilis at episyenteng serbisyo subalit kailangan din namin ang pakikipagtulungan ng ating mga magsasaka,” pakiusap ni Ignacio.

Tiniyak din ng opisyal na sapat ang pondo ng pamahalaan at bibilhin ng NFA ang lahat ng palay na dadalhin sa kanila basta’t matiyak nila na ito ay ani mismo ng nagbebentang magsasaka.

Samantala, bagamat walang katiyakan na tutugunan ng pambansang pamahalaan ang inilatag na hinaing ng mga lokal na magsasaka, sinabi ni Vidal ng RAFC na handa silang ipagpatuloy ang sama-samang pagkilos.

“Sa katunayan, ikinakasa na ang susunod naming hakbang, isang mas malaking pagtitipon-tipon ng mga magsasaka kung saan aanyayahan namin ang mga opisyales ng lalawigan upang tulungan kaming maipaabot sa ating Pangulo ang aming mga kahilingan,” pahayag pa ni Vidal. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Previous articlePalaweño helps PH team reap silver in SEAG 2019
Next articleKaso ng HIV sa Romblon, tumaas ngayong taon