Kabilang ang mga kumikita sa trending online games, tulad ng Axie Infinity, sa pinag-aaralan ng pamahalaan na patawan ng buwis, ayon kay Usec. Antonette Tionko ng Department of Finance (DOF).
Ayon kay Tionko, kung pinapatawan ng tax ang mga content creator sa mga sikat na social media platform, dapat din umanong magbayad ng buwis ang mga online gamer dahil kumikita sila sa pamamagitan ng cryptocurrency, isang uri nang pagbabayad na maaaring ipalit ng goods at services.
Katuwang ng DOF sa pag-aaral sa pagpataw ng buwis ang Bureau of Internal Revenue, ayon pa sa kanya.
“It’s not in the Philippines, but certainly, whoever earns currency from it, you should report it. Remember the principle of taxation, it’s a flow of wealth,” sabi ni Tionko.
Aniya, ang sino mang kumikita sa pamamagitan nito ay kailangang i-report ito.
Ang Axie Infinity ay isang non-fungible token (NFT)-based online video game na dinibelop ng Vietnamese studio na Sky Mavis na gumagamit ng Ethereum-based cryptocurrency AXS (Axie Infinity Shards) at SLP (Smooth Love Potion).
Sa kasalukuyan, ito ang pinaka mahal na NFTs collection na may mahigit $42 million na sales sa June 2021. Source ito ng main income sa ilan diumanong developing countries. Ito ay isang trading at battling game kung saan ang manlalaro ay pinapayagang kumolekta, mag-alaga, makipagdigma, at makipagpalit ng creatures na tinatawag na “axies”.
