Fri. Dec 13th, 2019

Mga kawani ng OccMin LGU, makikinabang sa GSIS Financial Assistance Loan

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Setyembre 14 — Maaari nang makinabang ang mga kawani ng pamahalaan sa lalawigan sa bagong programa sa pagpapautang ng Government Service Insurance System (GSIS), ang GSIS Financial Assistance Loan (GFAL) 2.

Pakikipagkasundo ng pamahalaang lokal ng Mamburao sa pangunguna ni Punong Bayan Angelina Tria (ikalawa mula kaliwa) kay Leon Fajardo (ikatlo mula kaliwa), Branch Manager GSIS Batangas para sa programang GFAL 2. (GSIS Mamburao)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Setyembre 14 — Maaari nang makinabang ang mga kawani ng pamahalaan sa lalawigan sa bagong programa sa pagpapautang ng Government Service Insurance System (GSIS), ang GSIS Financial Assistance Loan (GFAL) 2.

Sinabi ni Miller Masicat, tagapamuno ng GSIS Mamburao Branch, sa ilalim ng GFAL 2 program, ang isang kawani ay makakautang ng pambayad sa kanyang outstanding loan sa mgs pribado o pampamahaalang institusyon.

“Kadalasan ay malaki ang interes na binabayaran sa ibang lending institution kaya nahihirapan silang makabayad, samantalang sa GFAL 2 , anim na porsiyento per annum lamang,” saad niMasicat. Dagdag pa nito, mahaba ang terms of payment sa GFAL 2 na maaaring hanggang anim na taon. “Mas matagal ang bayaran, mas maliit ang ikakaltas sa sweldo ng kawani buwan-buwan,” dagdag pa ng opisyal.

“Ang GFAL 2 ay katulad ng GFAL 1, maliban sa ang huli ay ekslusibo lamang para sa mga pampublikong guro at iba pang mga kawani ng Department of Education (Dep Ed),” sabi pa ni Masicat.

Paliwanag ng GSIS, maaaring mangutang sa ilalim ng GFAL 2 ang mga permanenteng empleyado na may hindi bababa sa tatlong taong serbisyo. Bukas din aniya ang programa sa mga elected o halal na opisyales, gayundin sa mga co-terminus na empleyado basta’t tatlong taon na o higit pa na nagtatrabaho sa gobyerno.

“Higit sa lahat, dapat may Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng GSIS at ahensyang kinabibilangan ng kawaning nais maging benepisyaryo ng GFAL 2,” ani Masicat.

Kamakailan lamang ay lumagda sa kasunduan para sa GFAL2 ang GSIS at ilang ahensya kabilang ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Statistics Authority (PSA) at Occidental Mindoro State College (OMSC), gayundin ang pamahalaang lokal ng Mamburao, Calintaan at Rizal, pahayag pa ni Masicat.

Paalala ng opisyal sa mga interesado sa nasabing programa na huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan. Aniya, laging bukas ang tanggapan ng GSIS sa bayan ng Mamburao, sa mga ahensya at mga kawani na nais makinabang sa GFAL 2. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry