SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Umaasa ang mga katutubong Pala’wan sa tatlong sityo sa Barangay Pulot Interior sa bayan na ito na mapapansin ng lokal na pamahalaan ang kanilang kahilingan na maayos na ang kanilang bako-bako at maputik na daan na may habang 3.5 kilometro.

Ang mga residente ay nakatira sa mga sityo ng Singkab, Malanap, at Ulnob sa Pulot Interior, ayon kay Nonoy Lambana, tribal chieftain na nakapanayam ng Palawan News.

Ayon kay Lambana, matagal na nilang idinulog ang pagsasaayos nito sa opisina ni mayor Marsito Acoy at sa Sangguniang Bayan, ngunit walang dumadating na heavy equipment para isaayos ang problema.

“Buwan pa kami ng November taong 2020 humingi ng tulong sa kanila pero hanggang ngayon umaasa pa rin kami na sana mapansin ang problema namin. Ang hirap na ng sitwasyon namin dito lalo na kapag umuulan sobrang putik ng daan. Dagdagan pa po ng mga truck ng palm oil na dumadaan dito araw-araw,” sabi ni Lambana noong Sabado.

“Nagpasa na kami ng sulat kasama po ang mahigit isang daang pirma ng mga katutubo dito na magpapatunay na kailangan namin ng tulong,” dagdag niya.

Ayon kay Lambana, ang daan sa Ulnob, Malanap, at Singkab ay pangunahin para sa kanila dahil ito ang pinaka malapit para sa mga residenteng nakatira dito para makapunta sa bayan ng Sofronio Española para sa kanilang mga produkto.

Kapag hindi maiasaayos ay mahihirapan din ang ambulansya na makapunta sa kanilang mga lugar sakaling mayroong mangailangan ng agarang tulong para madala sa ospital.

“Kapag may sakit po dito sa taas kailangang dalhin sa ospital wala kaming magawa kundi isasakay na lang ng motor, hindi naman makapasok ang ambulansya dito,” sabi ni Lambana.

 

 

Previous articlePH now on final stage of negotiations with COVID-19 vaccine companies
Next articleBayubay leaves quarantine facility, as DepEd designates acting replacement
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.