Nagbigay ng mensahe ng pasasalamat si Mansalay Mayor Ferdinand 'Totoy' Maliwanag sa pamunuan ng TESDA para sa pagsasanay ng 25 katutubo na sasailalim sa solar light panel assembly at instilasyon habang nakikinig sa presidential table sina (mula kaliwa) TESDA Reg'l Dir. Manuel Wong, Vice Mayor Lynette Postma, CDA Reg'l Dir. Cristina Villamil at DILG/MLGOO Florentino Rodil. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

MANSALAY, Oriental Mindoro, Mayo 20 — Nasa 25 katutubong Hanunuo Mangyan ang nakatakdang sumailalim sa pitong araw na pagsasanay para sa pagbubukas ng programang pagbubuo ng solar light panel at instilasyon hatid ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) na ginanap sa covered court ng Sitio Proper, Brgy. Panaytayan, Mansalay kahapon.

Pinamunuan ni TESDA Regional Director (RD) Engr. Manuel Wong at Provincial Director (PD) Joel Pilotin ang nasabing programa upang mahubog sa pagbuo ng mga solar light panel na siya nilang maaring gawing hanapbuhay.

Sinabi ni RD Wong sa 25 katutubo, “ang mga bubuuin ninyong solar panel ay ikakabit sa inyong mga tahanan upang magkaroon kayo ng enerhiya para sa ilaw, pang karga ng cellphone, baterya at iba pa kaya ingatan ninyo ang mga gamit dahil darating ang araw maaari kayong bumuo ng samahan na gagawa ng mga solar panel sa inyong pamayanan.”

Ayon pa sa direktor ang bawat set ay binubuo ng solar panel module, breaker, switch, solar power inverter na may buzzer, solar charger controller, dalawang bumbilya at iba pa na nagkakahalaga ng halos P20,000.

Dumalo din sa nasabing aktibidad si Cooperative Development Authority (CDA) Regional Director, Cristina Villamil kasama ang program officer na si Raul Evangelista.

Iminungkahi ni Villamil sa mga nagsanay na umanib sa CDA upang masuportahan ang samahan at mabigyan ng mga karampatang benepisyo. Kailangan lamang anya na bumuo ng 15 katao o higit pa upang kilalanin bilang isang kooperatiba.

Ayon naman kay Evangelista, handa silang sumuporta sakaling nais nilang magtatag ng samahan ng mga gumagawa ng solar light panel at mekaniko ng mga motorsiklo.

Samantala, kinilala na rin ang 25 nagtapos sa paggawa at nagse-serbisyo ng motorsiklong sira matapos ang halos dalawang linggong kurso kasabay ng pagtanggap ng pang araw-araw na allowance na nagkakahalaga ng P3,400.

Nakiisa din sa nasabing aktibidad si Municipal Mayor Ferdinand ‘Totoy’ Maliwanag, Vice Mayor Lynette Postma at kasapi ng Sangguniang Bayan, kinatawan mula sa Phil. Army mula sa Alpha Company ng 4th Infantry Brigade, DAR, DILG, tanggapan ng Public Employment Service Office (PESO), Panaytayan Brgy. Kap. Unyo Insik at marami pang iba.

Ang programa ng TESDA ay pagtugon sa Executive Order No. 70 ni Pang. Rodrigo Duterte, ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster (PRLEC). (DN/PIA-OrMin)

CAPTION: Nagbigay ng mensahe ng pasasalamat si Mansalay Mayor Ferdinand ‘Totoy’ Maliwanag sa pamunuan ng TESDA para sa pagsasanay ng 25 katutubo na sasailalim sa solar light panel assembly at instilasyon habang nakikinig sa presidential table sina (mula kaliwa) TESDA Reg’l Dir. Manuel Wong, Vice Mayor Lynette Postma, CDA Reg’l Dir. Cristina Villamil at DILG/MLGOO Florentino Rodil. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

Previous articleDOH-Mimaropa muling pinagsusumite ng vaccination microplan ang Puerto Princesa
Next articleKaso ng HIV at AIDS sa Palawan, bumaba noong 2020