Mga katutubong Tagbanua Tandulanen ang naging benepisyaryo ng proyektong Poverty Reduction and Livelihood Employment Cluster (PRLEC) ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflicy (PTF ELCAC) ng Palawan. | Larawan mula sa MBLT-3

SAN VICENTE, Palawan — Aabot sa 25 na mga katutubong Tagbanua Tandulanen ang benepisyaryo ng mga isinagawang proyektong pagsasanay hinggil sa sustainable at organic farming na proyekto ng Poverty Reduction and Livelihood Employment Cluster (PRLEC) ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflicy (PTF ELCAC) ng Palawan.

Ang paglulunsad ng mga pagsasanay ay isinagawa noong Mayo 14 sa Barangay Kemdeng kung saan inilahad ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) provincial director Richard Amparo ang mga tungkulin ng PRLEC sa pagsusulong ng mga programang tutugon sa kahirapan at pang-kabuhayang problema sa komunidad.

Aniya, ang pagsasanay sa agrikultura ay isang panimulang hakbang lamang ng PRLEC upang maisakatuparan ang “Village Enterprise” kung saan ay magkakaroon ng tuloy-tuloy na pagkakakitaan at trabaho ang mga benepisyaryo sa Kemdeng na isang insurgency-cleared barangay.

“Nagsisimula po tayo sa agriculture dahil ang isang objective ng PRLEC ay magkaroon tayo ng food security,” pahayag ni Amparo. “Ang pinaka-end result nito ay magkaroon tayo ng empowered community kung saan kayo po ay maging productive kaya ang unang programa natin ay in the form of training.”

Binigyang diin ni Atty. Jefrie Sahagun, bilang kinatawan ni Rep. Franz Josef George Alvarez ang kahalagahan ng agrikultura sa panahon ng pandemya.

Malaking tulong, ayon sa kanya, ang pagsasanay sa organikong pagsasaka upang masigurong may mapagkukunan ng suplay ng pagkain kaugnay na rin sa pagpapabalik sigla ng turismo sa munisipyo.

“Nagpapasalamat po tayo sa kasapian ng PRLEC ng Task Force ELCAC sa pondo at suportang ibinibigay ng national government para dalhin po ang mga proyektong ito rito ng sa gayon ang mga kababayan natin [na] alam nating magagaling sa agrikultura [ay] lalo pang ma-enhance ang kanilang skills para na rin sa paghahanda sa pagbubukas ng San Vicente sa turista mayroon po tayong maibebentang organic agricultural product,” ani Atty. Sahagun.

Libre ang ibibigay na pagsasanay sa ilalim ng proyekto. Ang mga benepisyaryo ay kinilala sa pamamagitan ng lokal na pamahalaang barangay at National Commission on Indigenous People (NCIP).

Sa huling bahagi ng programa ay lumagda sa pledge of commitment ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan na kabahagi sa pagtataguyod ng proyekto.

Previous articleMga katutubo sa San Vicente, nakatanggap ng relief goods
Next articlePPC to boost testing and vaccination efforts
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.