SAN VICENTE, Palawan — Umabot sa 200 na mga katutubong Tagbanua Tandulanen sa Barangay Alimanguan ang nabigyan ng relief goods at food packs ng Alimanguan San Vicente Skimmer Association (ASVSA) noong Mayo 16 bilang bahagi ng selebrasyon ng kanilang unang taong anibersaryo.

Layunin ng ASVSA ang hubugin at sanayin ang mga kabataang miyembro sa larangan ng isports (skim boarding) at para magkaroon ng malalakas at competent players ang bayan ng San Vicente na puwedeng ipanglaban sa buong lalawigan, maging sa nasyonal.

Naisipan ng mga kabataang ito na magbuo ng grupo noong nakaraang taon habang kasagsagan ng pandemya upang matulungan din ang mga ito para malagpasan ang emotional stress na nararanasan nila. Ginugol nila ang kanilang bakanteng oras sa pagsasanay upang makaiwas sa mga masasamang gawain at bisyo.

Aktibo din ang mga kabataang ito sa mga community service at iba pang gawaing pang-kaunlaran sa kanilang barangay tulad ng gift giving, coastal cleanup, youth congress, at youth camp.

“Nakakatuwa yung reaksyon ng mga nabigyan namin kanina dahil hindi nila expected yun at  yun yung naging inspirasyon namin para maging active youth volunteers, which is aimed at helping our community and also po maging active sa pangkabataang programa ng ating munisipyo” sabi ni Dionefil Rizo, pangulo ng samahan.

“Nais po lamang namin sabihin sa aming mga kapwa kabataan is maging aktibo po tayong kabataan sa panahong malakas pa tayo. Tumulong po tayo sa abot ng ating makakaya, huwag po tayong maghangad ng kapalit.. Yung pagtulong po is kailangan taos sa ating puso..” dagdag niya

Nagpapasalamat naman ang samahang ito sa mga patuloy na tumutulong nilang sponsors, tulad ni SK chairman Phil Dordines. Ang aktibidad nang pagbibigay ayuda ay katuwang ang Sto. Niño DYSAT Organization.

Photo caption: Alimanguan San Vicente Skimmer Association habang namimigay ng mga relief goods at food pack.

Previous article20 kaso ng kumpirmadong COVID-19, naidagdag sa talaan ng El Nido
Next articleMga katutubo sa San Vicente, tinuruan ng sustainable at organic farming
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.