BROOKE’S POINT, Palawan — May kabuuang 57 pamilya ng katutubo ang lumikas mula sa Sitio Tulatula, Barangay Ipilan sa bayan na ito matapos na biglang magkaroon ng landslide sa lugar, araw ng Martes, Oktubre 26.
Sa panayam ng Palawan News kay Dan Esmerio, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Brooke’s Point, sinabi niya na kusang lumikas ang mga katutubong nakatira sa itaas ng bundok na bahagi ng mining exploration ng isang mining company na posible umanong dahilan ng pagguho ng lupa.
“Nagkaroon ng pagguho sa itaas ng bundok sa Sitio Tulatula sa may mining site. Nasa dalawang bundok ang aakyatin at kusa nang lumikas ang mga kababayan nating katutubo,” pahayag ni Esmerio.

Ang 57 pamilya na kinabibilangan ng mahigit 200 miyembro na may kasamang mga bata at sanggol ay pansamantalang naninirahan ngayon sa Linao Elementary School sa nasabing barangay at kasalukuyan nang inaasikaso ng lokal na pamahalaan ng bayan.
Nasa lugar ngayon ang mga kawani ng Municipal Health Office (MHO) sa pangunguna ni Dr. Lovelyn Sotoza, upang matingnan ang kalagayan ng kalusugan ng mga lumikas.
Nagpadala na rin ng tulong ang Ipilan Nickel Mining Corporation maging ang iba pang pribadong mamayan, sa mga lumikas.
Samantala, ayon kay Esmerio, maaring magtagal ng tatlong araw o higit pa sa evacuation center ang mga lumikas.
“Depende sa magiging resulta ng assessment kung mayroong mag-o-ocular inspection sa taas ng bundok,” paliwanag ni Esmerio.



