No Images found.

Mga katutubo ng Brgy. Mainit sa Brooke’s Point, pinagkalooban ng itik bilang dagdag pangkabuhayan

Makikita sa larawan ang mga miyembro ng Katutubong Palau’an at Ken-ey sa Barangay Mainit (SPKM) kasama ang mga nagbigay ng itik bilang tulong sa kanilang dagdag na pangkabuhayan.

Pinagkalooban ng Palawan Police Provincial Office (PPPO) ng 112 piraso ng itik bilang karagdagang suporta sa kanilang kabuhayan ang Samahan ng mga Katutubong Palau’an at Ken-ey sa Barangay Mainit (SPKM), sa  bayan ng Brookes Point nitong araw ng Miyerkules,  April 7.

Ang aktibidad ay pinangunahan ni P/Maj. Aldrico Nangit ng PPPO; P/Lt. Mark RJ Sigue, chief of police ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS), at SPKM president Rolly Maludin.

Kasama sa isinagawang pag-turnover ng mga itik sina Brooke’s Point mayor Mary Jean Feliciano, MAC chairman Jonathan Lagrada at Senior Municipal Agriculturist Romeo Cajiles

Matatandaan na nitong nakalipas na buwan ng Marso, 30 na katutubo ng Barangay Mainit ang ipineresenta ng pulisya na umano’y nagbalikloob sa pamahalaan.

Ayon kay punong barangay Novelin Aguilar, malaking tulong para sa kanilang mga katutubo ang proyekto na ipinagkaloob ng PPPO, ngunit ito dapat ay hindi nangangahulugan na ang kanyang mga nasasakupan ay mga dating makakaliwang grupo.

“Sa isang banda ay malaking tulong ‘yun. Pero kung ang tulong na iyon ay dahil surrenderee po sila, o former rebel sila. Hindi maganda sa akin ‘yun, kasi ibig sabihin tinatanggap nila ang tulong na ‘yun, tanggap din nil ana dati nga silang mga rebelde,” pahayag ni Aguilar.

Nilinaw naman ni Sigue na iba ang layunin ng PPPO sa pagbibigay ng tulong sa mga katutubo.

“Hindi ganoon ang mithiin ng livelihood program na ito. Sadyang pinipilit nating abutin ang mga kababayan natin na madalang makakita ng pulis, at maturuan na rin sila ng iba’t-ibang klase ng pagkakakitaan o hanap buhay,” paliwanag ni Sigue.

Dagdag nya, maliban sa nabanggit na mga itik para sa livelihood program ay marami pa silang nakapilang proyekto para sa mga katutubo.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry