May mga kabataan na sa Puerto Princesa na umaasa na sa madaling panahon ay mabakunahan na sila para magkaroon ng proteksyon laban sa COVID-19 at makabalik sa face-to-face classes, matapos ihayag ni Sec. Carlito Galvez, chief implementer ng National Task Force Against Covid-19, na pinag-aaralan na nila ito dahil sa patuloy na pagdating ng supply ng vaccine sa bansa.

Ilan sa mga kabataan na nakapanayam ng Palawan News (PN) ay pabor sa panukalang pagbabakuna sa mga katulad nila na may edad 12 hanggang 17, lalo na’t kung ito ay nangangahulugan na puwede na silang bumalik sa eskwelahan.

Ayon sa kanila, nakakadismaya na hanggang ngayon ay tila wala pang konkretong plano para sa kanila ang iba’t ibang lebel ng pamahalaan, maging ang task force ng pamahalaang nasyunal, para sila ay magkaroon na ng klase sa school setting.

Isa sa mga nakapanayam ng PN ay si Naira, 12 taong gulang, na nagsabing ang pagbibigay ng pahintulot ng Food ang Drug Administration (FDA) at Inter-Agency Task Force (IATF) na mabakunahan na ang mga katulad niyang bata ay dapat nang tutukan at pag-aralan nang sa gayon ay sila ay makabalik na sa kanilang paaralan nang ligtas.

- Advertisement -

“We really need ng vaccine para makabalik na kami sa klase,” saad ni Naira.

Ayon kay Naira, gusto niya na muling maranasan ang face-to-face classes dahil bukod sa ito ay mas madali, mas marami raw siyang natututunan rito kumpara sa online class.

Isa rin si Roygbiv, 16 taong gulang, sa nagsabing nais niya nang mabakunahan. Aniya, kung matuturukan na ang mga kabataang tulad niya, posibleng maituloy na ang ligtas na balik eskwela.

“Namimiss ko na rin po yung mga kaibigan ko at mga teachers ko”, dagdag pa ni Roygbiv.

Ayon naman kay Joshua, 17 taong gulang, dismayado siya dahil kulang ang ginagawang aksyon ng gobyerno para sa mga kabataang katulad niya.

“May konkretong plano sana ang gobyerno para maisabay ang mga nasa ka-age bracket ko o di kaya babaan ang edad na puwedeng bakunahan from 18 to 15 siguro po”, ani Joshua

Kung mayroong pabor na mabakunahan, mayroon din namang nagpahayag na sila ay hindi handa dahil sa takot sa mga nababasa at napapanood sa social media.

Ayon kay Angel, 13 taong gulang, baka hindi umano kayanin ng kaniyang katawan ang side effects ng vaccine at natatakot din siya dahil sa mga nabasa niya.
“May mga nagpo-post po sa social media na after two years raw ay mamamatay ka kapag nagpabakuna ka,” kuwento ni Angel na nag-aalangang tumanggap ng bakuna.

Sa kabila naman ng consensus ng mga eksperto na hindi pa pinapayagang mabakunahan ang mga menor de edad, isa sa mga batang nakapanayam ng Palawan News ang nagkuwento tungkol sa kaniyang kapwa bata na diumano ay nagpabakuna na laban sa COVID-19.

Ani Jovieni, 14 taong gulang, nabalitaan niya na ang kaniyang kapit bahay ay nabakunahan na. Wala pang gumugulong na imbestigasyon o report tungkol sa ganitong kaso sa bansa.

“Pero hindi ko po alam kung ano ang binakuna sa kaniya”, paliwanag ni Jovieni.

Noong ikalawang linggo ng Agosto, sinabi ni Galvaz ng national task force na pinag-aaralan na nila ang vaccination program para sa mga kabataan dahil sa ulat na may mga kabataan na mayroong kumplikadong kaso ng coronavirus ang naa-admit sa Philippine General Hospital (PGH). 

“We are trying to look and maybe by the end of September or October, we will open up pediatrics and adolescent vaccination. Meron kami nine-negotiate na more or less 26 million doses intended for our pediatrics vaccination,” ayon kay Galvez sa isang balita na inilabas ng Philippine News Agency (PNA) noong August 8.

Aniya, ang target nilang edad na mabakunahan ay yong nasa edad 12 hanggang 17.

Previous articleTubbataha to host interactive biodiversity webinar for kids aged 8 and above
Next articleNavy frigate BRP Antonio Luna takes part in maritime partnership exercise
is a student-intern at Palawan News and is currently taking up Bachelor of Arts in Broadcasting at the Polytechnic University of the Philippines Manila. She mostly covers national news about socio-political issues. She is also a public speaker, a former president, and current director for external communications of Viva Voce-COC, the premier public speaking and debate organization of PUP Manila.