(Larawan mula sa Google Maps)

Hindi magandang halimbawa para sa ibang kabataan ang ginawang laro ng apat na magkakaibigan na nakunan ng video at ipinost sa social media kung saan, nagbugbugan ang mga ito sa Purok Pag-asa, Barangay Poblacion District 1 sa bayan ng Brooke’s Point noong araw ng Martes, Enero 18.

Ito ang naging reaction ni kapitan Vic Bagona ng Poblacion District 1 sa nasabing video na aniya ay nakaka-alarma.

Ito na umano ang ikalawang insidente ng bugbugan sa pagitan ng apat na babaeng kabataan sa nasabing lugar.

“Alarming ito, kasi magkakaibigan kayo, tapos biglang mag-uusap kayo na magbubugbugan kayo,” pahayag ni Bagona.

- Advertisement -

Ayon naman sa mga kabataan, kabilang ang dalawang magkapatid at mga kapit-bahay nila na nasa video, laro lamang ang ginawa nilang bugbugan.

“Hindi lang ito isang beses. Kahapon nandito sila sa barangay, dahil ipinatawag natin kasama ang mga magulang. Inamin nila na nagkatuwaan lang sila at ikalawang beses na ito, diyan din sa lugar, dalawang araw bago noong January 18, ginawa rin nila ito. Wala nga lang nakuhang video,” dagdag nito.

Dagdag pa ni Bagona, sa ginawang assessment ng social worker ng barangay na may katotohanan nga ang naging pahayag ng mga batang magkakapit-bahay. Wala rin daw mga bisyo ang mga bata, at walang selosang namamagitan sa kanila na maaring pag simulan ng gulo.

“Pagdating nila dito sa barangay, parang walang nangyari sa kanila. Sila-sila rin ang magkaakbayan at magkahawak pa ng kamay. At sa ginawang pagtatanong ng social workers sa kanila, nakumpirma namin na purely laro lang talaga,” paliwanag niya.

“Pag mga ganito kasi, isa sa madalas na nagiging rason, baka may mga crush na nagkakaagawan, pero wala raw. Wala ring mga boyfriend,” dagdag niya.

Magkaganoon pa man, sinabi ni Bagona na ayaw niyang muling mangyari ang ganitong insidente sa kanyang lugar, lalo pa kung ang sangkot ay mga kabataan, at kababaihan kung kaya pinatawan niya ang apat ng parusang sampung oras na community service sa kanilang barangay.

Sinang ayunan naman ito ng mga magulang ng mga kabataan at ng social worker ng barangay.

“Tag sampung oras sila. Kailangan natin silang bigyan ng penalty para hindi pamarisan ng ibang kabataan dito sa ating barangay, at saka dapat maisip nila na kung sa kanila simple at laro lang ang nagyari, hindi yun maganda at bigayan natin sila ng aral,” aniya.

Previous articleKomunidad sa Brgy. Ipilan sa Narra, nakararanas ngayon ng kakulangan ng suplay ng tubig
Next articleLPA has low probability of developing into a storm – PAGASA
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.