Nilubog nang malakas na buhos ng ulan ang Punang Elementary School sa munisipyo ng Sofronio Española simula kaninang madaling araw, Lunes. (Larawan mula kay Job Ryan Abid)

Nakauwi na sa kani-kanilang mga tahanan nitong araw ng Huwebes, October 14, ang mga residenteng inilikas sa munisipyo ng Sofronio Española matapos na makaranas ng matinding baha dala ng walang humpay na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong Maring.

Sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nasa mahigit 60 pamilya ang lumikas noong Martes ng umaga, October 12, at dinala sa mga evacuation center ng barangay dahil sa matinding baha sa kanilang mga lugar.

Ayon kay Ernesto Nagato, hepe ng MDRRMO, limang barangay sa bayang ito na nakaranas ng matinding pagbaha ang pinayuhang agad na lumikas.

Ang mga naapektuhang mamamayan ay kinabibilangan ng 10 pamilya sa  Aboabo, 10 pamilya sa Isumbo, 16 pamilya sa Labog, 14 sa Punang at 17 sa Pulot Shore.

- Advertisement -

“Mahigit 60 families lahat ang lumikas at wala namang nasaktan. Inilikas sila sa mga matataas na eskwelahan at evacuation center matin,” pahayag ni Nagato, Miyerkules, October 13.

Samantala, ayon kay kapitan Atika Abirin ng Pulot Shore, mayroon namang agarang nagpadala ng tulong sa kanyang mga kabarangay na dinala sa evacuation center.

“May ibang hindi na umalis sa bahay nila, pero ligtas naman. Yong mga pamilyang maagang nailikas ay sa barangay hall na natin lahat dinala,” ayon kay Abirin.

Agad ding dumagsa ang ibat-ibang tulong ng mga residente ng Sofronio Española sa mga naapektuhan ng baha. Ang opisina ni Vice Mayor Rona Chou ay agad ding namahagi ng mga pagkain katulad ng bigas, noodles, canned goods at tubig sa limang barangay na naapektuhan.

“Panahon ngayon ng pagtutulungan sa oras ng pangangailangan at hindi panahon ng pulitika. Hindi natin inaasahan ang mga ganitong pangyayari sa ating bayan, sana ay makabangon tayong muli,” pahayag ni Chou.

Previous articleNetflix debuts first look image, teaser for Money Heist: Part 5, Vol. 2
Next articleNarra placed under ‘state of calamity’
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.