PSU-Roxas Campus

Bagama’t naapektuhan din ng bagyong Odette ang mga guro mula sa Palawan State University (PSU) sa bayan ng Roxas, hindi nag-atubili ang mga ito kasama ang ilang non-government organizations (NGO) at pribadong grupo, na tumulong sa pamamahagi ng food packs para sa mga nasalanta ng bagyo.

Umabot sa kabuuang 480 foodpacks na naglalaman ng pagkaing de-lata, gatas, biscuits, at bigas na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P150,000 ang ipinamahagi ng PSU Roxas sa tulong ng kanilang donor mula sa Odette Palawan Relief, isang grupo sa El Nido na nagbuo ng donation drive.

Ang nasabing food packs ay inihatid sa 155 households ng Barangay Johnson (Johnson Island) noong Disyembre 21, samantalang 325 households naman mula sa Brgy. Antonino ang nabiyayaan nitong Disyembre 28.

Ayon kay Frank Joe Mojica, team leader at guro sa PSU Roxas, sa kabila ng kasama ang lahat ng faculty ng PSU Roxas sa naapektuhan ng bagyo ay pinili pa rin nilang maghadtid ng serbisyo sa kanilang mga kababayan sa tulong na rin ng kanilang partner NGO.

- Advertisement -

“Nagpapasalamat kami sa aming partner NGO na tumulong at nagbigay ng mga foodpacks. Malaking bagay ito na kahit papaano ay makakatulong sa mga kababayan namin,” pahayag ni Mojica, December 29.

Pahayag naman ni Nella Lomotan ng Odette Palawan Relief, malaking bagay na para sa kanilang grupo na makitang kahit papaano ay nakabawas din ng alalahanin sa kailangang pagkain ng mga naapektuhang residente ng Antonino at Johnson.

“Sana ay nakatulong sa kanila ang mga foodpacks na naibigay namin sa kanila. Maliit man pero naniniwala kaming malaking bagay na ito para sa kanila,” aniya.

Dagdag niya, nakapaghatid na din sila ng mga tulong sa mga bayan ng San Vicente, Taytay, at Dumaran na sinalanta rin ng bagyong Odette

Sa huling report ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Roxas nitong Disyembre 26, umabot na sa 15,070 foodpacks ang naipamahagi sa mga apektadong residente sa 31 na barangay ng bayang ito mula sa mga relief efforts ng Provincial Government, National Government, private groups at mga NGOs.

Sa huling pagtatasa ng pamahalaang panlalawigan ay umabot na sa P5.7 bilyong ang halaga ng iniwang pinsala ni Odette sa bayan ng Roxas.

Matatandaang nauna nang sinabi ni Mayor Dennis Sabando na matatagalan ang pagbangon ng mga residente mula sa natamo nilang pinsala dahil sa naranasang bagyo.

Previous articlePNAO reports malnutrition cases in Odette-hit barangays in Roxas town
Next articleSM Cinema reopens with new theaters, exclusive screenings, and new ways to watch movies
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.