Ang mga estudyante ng Odiongan South Central Elementary School sa bayan ng Odiongan, Romblon ang unang binisita ng Rural Health Unit at ng DOH-Romblon para bigyan ng bakuna kontra tigdas ngayong Setyembre. (Larawan mula sa Odiongan Public Information Office)

ODIONGAN, Romblon — Nag-ikot na ang mga tauhan ng Department of Health (DOH)-Romblon, katuwang ang mga Rural Health Unit (RHU) sa lalawigan, para bigyan ng bakuna kontra tigdas at sa iba pang sakit ang mga estudyante ng elementarya sa Romblon.

Ayon kay Karyle Deoso, isang Registered Nurse at Technical Support Staff sa Department of Health (DOH)-Romblon, nagsimula silang mag-ikot noong huling linggo ng Agosto School-Based Immunization (SBI) Program ng kanilang ahensya para sa mga Kinder hanggang Grade 7 na estudyante ng mga pampublikong paaralan sa lalawigan.

“Mula Agosto meron na tayong mga RHU na nagsimula nang mag-ikot sa mga nasasakupan nilang paaralan para magbigay ng libreng bakuna sa ating mga bata. Mahalaga po ang bakuna para maiwasan ang anumang sakit na maaring makuha ng bata katulad ng tigdas at tetanus,” ayon kay Deoso.

“Priority ng ahensya na mabakunahan itong mga estudyante sa Kinder hanggang Grade 7 dahil mas vulnerable sila sa mga highly contagious diseases,” dagdag ni Deoso.

Sa datus ng Provincial Health Office (PHO) at ng DOH-Romblon, aabot na sa 12.17 porsiyento ng mga estudyante sa Kinder hanggang Grade 7 sa mga pampublikong paaralan sa Romblon ang kanilang nabakunahan kontra tigdas simula ng ilunsad ang SBI sa lalawigan ngayong taon.

Paliwanag ni Deoso, binigyan aniya sila ng hanggang katapusan ng buwang kasalukuyan para maikot ang lahat ng Elementary School sa lalawigan para maghatid ng libreng bakuna sa mga bata.

Maliban sa bakuna kontra-tigdas, nagbibigay rin ng libreng bakuna kontra tetanus (Tetanus Diptheria vaccine) ang mga tauhan ng Kagawaran ng Kalusugan. (PJF/PIA-MIMAROPA/Romblon)

About Post Author

Previous articleIka-118 Police Service Anniversary, ipinagdiwang ng PRO Mimaropa
Next articleProv’l gov’t condemns Veguilla murder