Simula sa Martes, unang araw ng Hunyo, ay balik na sa regular na trabaho ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Magsaysay.
Ang balik-trabaho sa munisipyo ay base sa Memorandum No. 14, series of 2021, na nilagdaan ni Mayor Manuel Abrea ngayong Lunes, Mayo 31.
Sinuspende ni Abrea ang pagpasok ng mga empleyado sa munisipyo noong Mayo 20 dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bayan at sa karatig munisipyo nito.
“Handa na kami para buksan [ulit] ang mga opisina on a full a force at kaakibat nito ang mahigpit na pagsunod sa health protocols,” pahayag ni Abrea.
Hinikayat din ng alkalde ang lahat na mahipit na sundin ang minimum health standards at protocols na ipinatutupad ng Municipal InterAgency Task Force on COVID-19 (MIATF).
“Sa mga kapwa ko kawani, sana’y patuloy tayong mag-ingat, i-observe natin ang health protocols at magsilbi sa mga mamamayan ng magalang at mahusay. At sa mga kababayan ko, mag-ingat ng husto, magsuot lagi ng facemask at mag-alcohol lagi sa kamay at higit sa lahat, magdasal para sa kaligtasan nating lahat,” dagdag ni Abrea.
