PN File

Maayos na ang kalagayan at kalusugan, at unti-unti na ring bumabalik sa normal na buhay sa kanilang komunidad ang mga drug surrenderees sa bayan ng Rizal.

Ito ang ilan sa mga resultang nakita ng Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) ng Rizal sa isinasagawang “Persons Who Used Drugs (PWUD) Kumustahan” sa 11 barangay na nagsimula ngayong ikalawang linggo ng buwan ng Nobyembre.

Ayon kay Jenel Calamba-Torres, MADAC Focal Person, layunin ng aktibidad na bisitahin ang mga drug surrenderees matapos na sila ay makauwi sa kani-kanilang mga tahanan upang alamin ang kanilang kasalukuyang kalagayan.

Kasabay din sa isinasagawang pagbisita ang pagsasagawa ng drug test upang matiyak na ang mga surrenderees ay hindi na nga bumalik sa dating gawain na paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

- Advertisement -

“Ang objectives natin ay para makumusta ang mga PWUDs sa 11 barangays at isailaim na rin sila sa drug test. Katuwang natin dito ang PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency,” pahayag ni Torres.

“Physically healthy naman and lahat sila ay negative ang test results,” aniya.

Maliban dito, nagsagawa rin ng basketball friendship games ang MADAC para sa mga drug surrenderees.

“Tanging mga fully vaccinated lamang na PWUDs ang pinapalaro natin sa friendship game na ito, ito ay upang tiyakin ang kaligtasan ng lahat sa COVID-19,” paliwanag ni Torres.

“Kasama na rin sa activity ang paglapit natin sa kanila ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), upang magbigay ng impormasyon sa kampanya laban sa illegal drugs at terorismo. Naging pagkakataon na rin ang aktibidad para mapalapit sa community ang ating mga AFP at PNP,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan ay anim na barangay pa lang ang napuntahan ng MADAC na kinabibilangan ng Canipaan, Latud, Taburi, Panalingaan, Bunog at Iraan habang ang nalalabing barangay ay ipagpapatuloy ngayong ikatlong linggo ng Nobyembre.

Batay sa report ng MADAC, mayroong anim na barangay ang naideklara nang Drug Cleared habang tatlo pa ang barangay maituring na uncleared at dalawa naman ang unaffected barangay.

“Mayroon tayong kabuuang 137 PWUds sa Rizal, at sana ay patuloy silang makipagtulungan sa ating kampanya na maging drug free ang bayan ng Rizal,” ani Torres.

Previous articleICF inmates start receiving anti-coronavirus vaccines
Next articleLalaking wanted dahil sa kasong child abuse, arestado sa Puerto Princesa
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.