Labing pitong indibidwal na dating gumagamit ng iligal na droga sa bayan ng El Nido ang nagtapos sa isang buwan na Community Based Drug Rehabilitation Program (CBDRP) noong araw ng Martes, Nobyembre 30.
Ang CBDRP ay pinangasiwaan ng El Nido Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) sa tulong ng ng Provincial Anti-Drug Abuse Program (PADAP) ng pamahalaang panlalawigan.
Layunin ng programa na magabayan ang mga naging biktima ng iligal na droga sa pamamagitan ng mga aktibidad na maaaaring maging dahilan ng kanilang pagbabago at pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay, maturuan sila ng tamang pangangalaga sa kalusugan, at mapanumbalik ang kanilang pananampalataya sa Diyos.
Sumailalim din sila sa counselling at therapeutic sessions upang tuluyan nang mahinto ang paggamit ng anumang uri ng iligal na droga.
Dumalo sa isinagawang graduation ceremony sina Mayor Edna Lim, Municipal Local Government Operations Officer Gil Padul, P/Maj. Rex C. Vilches na hepe ng El Nido Municipal Police Station, at Florfe Anne Fernandez, spokesperson ng PADAP.
“Ang pamahalaang panlalawigan ng Palawan ay patuloy na sumusuporta sa pamamagitan ng pagsasagawa ng trainings at assessment sa mga PWUD (persons who used drugs), at pagkakaloob ng trabaho sa mga ito para sa kanilang tuluyang pagbabagong buhay,” pahayag ni Fernandez.
Maliban dito ay nakapagsagawa na rin ng kaparehong aktibidad ang PADAP sa mga bayan ng Sofronio Española at Narra.
