SAN VICENTE, Palawan — Pangunahing pangangailangan na ngayon ang negatibong resulta ng antigen test sa lahat ng biyaherong papasok at maging ang aalis sa bayang ito, ayon sa Resolution No. 06-01, series of 2021, na inilabas ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF), araw ng Biyernes, Hunyo 4.
Maliban sa negative antigen test, kailangan ding magpakita ng valid ID at travel pass kung saan nakalagay ang petsa ng biyahe at destinasyon, at magtala ng pangalan sa manipesto ng mga pasahero na bibyahe palabas ng bayan.
Ang mga uuwi naman ay kailangan ding kumuha muna ng health clearance mula sa Barangay Health Center na pagmumulan, at kailangang magpakita ng valid ID, travel pass at magpatala sa manipesto.
Ipinagbabawal pa ring pumunta sa bayan ang mga indibidwal na magmumula sa lugar na kasalukuyang nasa ilalim ng critical zone status.
Ang mga manggagawa na naghahatid ng pangunahing pangangailangan kabilang ang online shopping delivery naman ay kailangang kumuha ng pass slip mula sa Municipal Economic Enterprise and Development Authority (MEEDO)magpakita ng din ng valid ID at ng health clearance mula sa barangay na pinagmulan kung maglalagi ng isang gabi.
Ang pagbabago sa panuntunan ng pagbiyahe ay bahagi pa rin ng mga patakarang ipinatutupad upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa munisipyo.
Pinananatili naman ang mga travel requirements para sa mga empleyado ng pamahalaan, authorized persons outside residence (APOR) at locally stranded individuals (LSI).
Kailangan lamang ng mga empleyadong may opisyal na lakad sa ibang lugar na magpakita ng government ID at aprubadong travel order. Dapat din silang sumailalim sa antigen test makalipas ang limang araw ng pagbalik.
Ang mga APOR na papasok sa munsipyo ay kailangang magprisinta ng travel order, valid ID, negatibong antigen test result kung mula sa ibang munisipyo ng lalawigan at negatibong resulta ng RT-PCR test naman kung magmumula sa labas ng Palawan.
Ang mga LSI at Returning OFWs ay kailangan ng negatibong resulta ng RT-PCR at sasailalim sa pitong araw na facility-based quarantine sa pagdating sa munisipyo. Pagkalipas ng pitong araw ay isasailalim sa antigen test at pag nagnegatibo ay bago pa tuluyang payagan na makauwi sa kanilang bahay.