Isa sa mga nagtapos sa programa ng DSWD sa San Vicente || Larawan mula sa ICS San Vicente

SAN VICENTE, Palawan — May kabuuang 88 pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nagtapos sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa isinagawang seremonya sa sa municipal gymnasium sa Barangay Poblacion noong araw ng Martes, Hunyo 22.

Ang seremonya ng programa na may temang “Paglalakbay tungo sa Tagumpay, Sama-samang Pagsulong tungo sa Matatag na Kinabukasan” ay dinaluhan ng 26 na benepisyaryo.

- Advertisement -

Ayon kay Gerald Gray C. Bediores, provincial link ng DSWD–MIMAROPA, ang pagtatapos ng mga benepisyaryo ay patunay na matagumpay ang programang 4Ps at nangangahulugan lamang na marami sa mga ito ang umangat na ang antas ng pamumuhay.

“Ang DSWD sa pamamagitan ng Pantawid Pamilya Pilipino Program ay naniniwala na kaya niyo na po. Doon po sa ilang taon na ibinahagi ng gobyerno sa atin, naniniwala kami na kaya na ninyo na tumayo sa sarili ninyong mga paa,” bahagi ng pananalita ni G. Bediores sa isinagawang seremonya.

Bilang kinatawan ng pamahalaang bayan, malugod na tinanggap ni Municipal Social Welfare and Development Officer Jennilyn C. Laro ang pagtatapos ng mga pantawid beneficiaries. Saad niya, malaki ang naitulong ng programa sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng mga miyembro nito sa San Vicente.

Aniya, dahil sa 4Ps ay naiangat ang antas ng pamumuhay ng mga pamilya mula sa survival level patungo sa pagiging self-sufficient o may kakayahan nang tugunan ang mga pangangailangan.

“Based doon sa report ng Pantawid, sa 88 [na nagsipagtapos], mayroong 70 ang nasa second level at 18 ang nasa level 3 na [ang antas ng pamumuhay]… Nandito lang po ang LGU para tumulong sa inyo para kayo ay umunlad pa,” ani Laro.

Samantala, ikinuwento naman ni Luz Monticalvo, residente ng Brgy. Poblacion at isa sa benepisyaryo, na tatlo sa kanyang mga anak ang nakapagtapos na ng kolehiyo sa tulong ng programa.

“Kami po ay nabibilang sa mahirap na mamamayan. Nakamit ko ang pagpapaaral sa aking mga anak sa tulong po ng programang 4Ps. Kung hindi siguro dahil sa programang 4Ps hindi ako nakapagpatapos ng tatlo kong mga anak dahil isa lang po kaming mahirap na manlalambat sa Sitio Pulang Bato,” pagbabahagi ni Monticalvo.

“Kaya laking pasasalamat ko na naging miyembro ako ng 4Ps na nakapagtapos ako ng isang pulis, isang fisheries at isang social work,” dagdag niya.

Ang 4Ps ay itinataguyod ng DSWD na nagbibigay ng conditional cash grants sa mga mahihirap na pamilya upang mapaunlad ang kalusugan, nutrisyon at edukasyon ng mga batang may edad 0-18. Ang implementasyon ng programang ito ay patuloy na sinusuportahan ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente.

Sa kasalukuyan ay mayroong 2,426 benepisyaryo ang nasa ilalim ng programa sa munisipyo ng San Vicente.

Previous articleSan Vicente mayroong ‘temporary market rental holiday’ para sa nagtitinda sa palengke
Next articleEl Nido is featured in 100% Pinoy-made mobile gaming app ‘Running Organgs’
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.