Isa ang bahay na ito sa aabot sa 20 na kabahayan na apektado ng pagkabkab ng tubig dagat sa Barangay Diit sa bayan ng Agutaya dahil sa paghahakot ng buhangin. Makikita na inabot na ito ng tubig na hindi naman dating nangyayari. (Photo mula sa Den Den FB account)
- Advertisement by Google -

Isang opisyal ng Barangay Diit sa bayan ng Agutaya ang nakikiusap sa kapitan at kinauukulan na mamagitan sa pagpapatigil ng paghahakot ng mga residente ng buhangin sa baybayin ng kanilang lugar dahil sa 20 kabahayan na ang apektado ng problema.

Ayon sa post ng kagawad ng Brgy. Diit na si Boboy Ibañez gamit ang FB account ng kanyan anak noong Linggo, Disyembre 5, sa kanyang social media account, inaabot na ng tubig dagat ang kanyang bahay at pagmamay-ari ng iba pa, at hindi na sila nakakatulog sa takot sa alon na humahampas sa kanilang bahay lalo na kapag high tide.

Para patunayan ito ay ipinost din ng anak niya ang video kung saan siya nagsasalita at ang mga larawan ng mga kabahayan na apektado ng problema.

Nanawagan siya kay kapitan Wilfredo Favillaran na tulungan ang mga residente bago pa masira ng tuluyan ang kanilang mga bahay dahil sa nakabkab na ang buhangin. Mismong sa harap umano ng barangay hall ay nangyayari rin ang paghahakot ng buhangin.

- Advertisement -
Panoorin ang pananawagan ni Boboy Ibañez ng Barangay Diit sa bayan ng Agutaya. Isa ang kanyang bahay sa apektado ng problema sa paghakot ng buhangin sa baybayin ng barangay. (Video courtesy of Den Den FB account)

“Sana ipatigil na ang paghahakot ng buhangin sa may breakwater sa may barangay hall. Ang puwesto kasi namin dito ay nakakabkab na ng alon at pati mga bahay namin ay nahahampas rin ng alon,” pahayag ni Ibañez sa panayam ng Palawan News noong Disyembre 6.

“Kung hindi sana pinayagan yan ni kapitan at Kgd. Delos Angeles yung mga buhangin, iyon sana ang makakatapal sa mga nakabkab na bahagi dito sa amin,” paliwanag niya.

Aniya, noong Disyembre 5 ay may nakita pa siyang naghakot, ngunit nang sumunod na araw ay wala na dahil marahil sa nag-ingay na siya sa social media.

Makikita sa mga larawan na na-post ng kanyang anak na abot na ang tubig dagat sa kanyang bahay kaya’t kinuhanan niya ito ng video at nanawagan sa kinauukulan, ganoon din kay Favillaran.

“Kahapon meron pa ako nakitang naghakot, pero ngayon wala na. Nag-ingay na kasi ako sa video, at kanina sa meeting namin, prinangka ko na si kapitan at ang isa pang kagawad,” pahayag ni Ibañez.

Itinanggi naman ni Favillaran na pinapayagan niyang maghakot ng buhangin sa tabing dagat ang kanyang mga nasasakupan sa Brgy. Diit, subalit inamin din niya na may isang indibidwal na matapos niyang sitahin ay nakiusap sa kanya na mapagbigyan.

“Paano niya nasabi na pinapayagan kong maghakot ng buhangin ang mga constituent ko? Ayaw ko rin magsinungaling, may isang indibidwal akong sinita dati, hindi ko na lang maalaala yong saktong buwan, nakiusap sa akin na pagbigyan sya noong araw lang na iyon dahil ongoing ang construction ng kanyang bahay. Tao lang din ako at pinayagan ko noong araw lang na iyon,” paliwanag ni Favillaran.

“Mensahe ko lang sa lahat ng constituent ko na huwag na kayo maghakot ng buhangin sa tabing dagat dahil bawal talaga iyan. Hindi naman lahat ng oras nababantayan ko kayo sa laki ng barangay natin. At bilang tao lang naman umaamin naman ako na may napagbigyan ako isang individual, pero matagal na ito sana huwag na maulit,” dagdag niya.

Samantala, nanawagan din si Rommel Abejo, isang residente ng barangay, na sana ay mabigyang pansin at masolusyunan ng kinauukulan ang problema sa Brgy. Diit.

Ayon sa kanya, hindi dapat naghahakot sa lugar dahil may mga kabahayan na maaaring mapunta sa gitna ng peligro kapag tuluyan nang nakabkab ang buhangin.

“Nakakalungkot mang isipin ngunit ito ang realidad na bunga ng masamang gawain ng tao sa kalikasan. Siguro ‘yung magiging panawagan lang namin ay mabigyang aksyon nang sa ganoon ay mapigilan at maiwasang mangyari ulit,” pahayag ni Abejo.

“Ang mahirap kasi, ang mga kabahayan malapit dito sa apektadong lugar ay sinisira ng malalaking hampas ng alon gawa ng hindi pagsunod at pakikinig ng mga tao sa paalaala na huwag maghakot ng buhangin sa mga apektadong lugar na unti’unting sinisira ng dagat. Sana magkaroon ng kongkretong solusyon upang hindi na muling mangyari pa ito,” dagdag niya.

About Post Author

- Advertisement by Google -
Previous articleAirSWIFT’s Cebu-El Nido link reactivation aims to aid in tourism economy recovery
Next articlePinoy pop group SB19 spotted in El Nido
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.