Jul 10, 2020

Mga aplikasyon para sa BLEPT 2020, ipoproseso sa San Jose

Kabilang sa mga serbisyong hatid ng PRC ang renewal ng mga professional identification card at pag-iisyu ng sertipikasyon ng pagpasa sa alinmang licensure test.

Ipinapaliwanag ni PESO Manager Josefina Villamar na pansamantalang tututok ang PRC sa pagproseso ng aplikasyon sa BLEPT dahil malapit na ang deadline para dito. (Voltaire N. Dequina/PIA Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro – Dumating na sa lalawigan ang Professional Regulation Commission (PRC) upang iproseso ngayong Sabado at Linggo (Enero 11 -12) ang mga aplikasyon para sa Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT).

Ayon kay Josefina Villamar, San Jose Public Employment Service Office (PESO) Manager, nasa OccMin ang PRC upang maghatid ng iba’t ibang serbisyo subalit tututukan muna ng ahensya ang aplikasyon sa BLEPT dahil sa Enero 29 na ang deadline para rito. Maliban sa pagproseso ng mga aplikasyon sa mga board examination, kabilang sa mga serbisyong hatid ng PRC ang renewal ng mga professional identification card at pag-iisyu ng sertipikasyon ng pagpasa sa alinmang licensure test.

Paalala ni Villamar, “tanging mga nakapag-online application at nakabayad ng P900 examination fee ang maaring magsumite sa PRC ng kanilang mga dokumento rito sa munisipyo.” Aniya, matapos iproseso ang naisumiteng mga requirement, bibigyan na ang aplikante ng Notice of Admission (NOA).

Sinabi rin ng opisyal na posibleng umabot sa 1,000 aplikante ang maserbisyuhan ng PRC at PESO. Base aniya sa mga nakaraang kaparehong aktibidad, nakakapag-apply din ang ilang galing Oriental Mindoro at Antique. “Prayoridad ang mga San Joseños, pero tinatanggap din ng PRC iyong mga taga ibang lugar,” saad pa ni Villamar. Dagdag paliwanag ng PESO Manager, nakasaad sa natatanggap na confirmation ng mga online applicants ang petsa, lugar at oras ng pagsusumite ng kanilang mga dokumento.

Nakatakdang ganapin ang unang BLEPT ngayong taon sa darating na ika-29 ng Marso at kabilang ang bayan ng San Jose sa talaan ng mga lugar (testing centers) kung saan idaraos ang nasabing eksaminasyon. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry