Nagbarikada ang ilang mga anti-mining groups sa hauling road sa harap mismo ng camp site ng Ipilan Nickel Corporation (INC) sa Brgy. Maasin sa bayan ng Brooke’s Point noong Sabado, February 18.
Bandang 7:00 ng umaga ng magsimula ang barikada sa pamamagitan ng paglalagay ng tali at mga bakod na kawayan sa magkabilang daan.
Nagkampo rin ang iba’t ibang grupo at nagsagawa ng candle lighting at prayer rally kinagabihan.
Ayon sa isa sa mga lider ng grupo na si Job Lagrada, ang kilos protesta ay pagpapakita ng kanilang suporta sa hakbang ng lokal na pamahalaan na pansamantalang ipahinto ang operasyon ng Ipilan Nickel habang hindi pa ito nakakakuha ng mga kaukulang papeles kagaya ng business permit.
“This is our support to LGU. Wala silang sapat na permits mula sa LGU. Pagpapakita ito ng pangbabastos sa ating batas na sa kabila ng walang permits ay patuloy pa rin silang nag-ooperate. Hindi na nila mapipigil ang taong ayaw sa mina. Masyado na nilang nilapastangan ang kalikasan natin sa Brooke’s Point,” pahayag nito.
Nagpahayag rin ng kanilang pagtutol ang mga kabataang sumama sa rally.
Ayon kay Aiza Gipaya ng Brgy. Ipilan, bago pa man pumasok ang Ipilan Nickelsa Brooke’s Point ay labis na silang nabahala dahil magdudulot lamang ito ng pagkasira ng kalikasan sa kanilang munisipyo.
“Ayaw namin ng mina. Masisira ang kalikasan namin. Saan na kami pupunta kung masisira ito? Kawawa po ang mga susunod na kabataan sa amin kung patuloy nilang sisirain ang kalikasan sa Brooke’s Point,” sabi ni Gipaya.
Pinahintulutan ng opisina ng punong bayan ang pagkilos na isinasagawa ng mga anti-mining groups base na rin sa Memorandum Order No. 2023-054.
Inaasahang ito ay magtatagal hanggang February 21.
“Kami po ay sumunod sa permit na ibinigay sa amin ng mayor na gawing matiwasay ang rally na ito laban sa Ipilan Nickel Corporation. Gawing matiwasay ang pagpapahayag ng saloobin ng ating mga mamamayan na ayaw sa pagmimina,” dagdag ni Lagrada.
Samantala, kinukwestiyon naman ng pamunuan ng Brgy. Maasin ang paglalagay ng barikada at mga istraktura ng mga nagpro-protesta sa daanan ng minahan.
Ayon kay kapitan Domingo Bernas, kanila na lamang iniintindi ang saloobin ng mga raliyista at babantayan nila ang kapayapaan at seguridad ng aktibidad katuwang ang mga kapulisan.
“Nakarating nga sa akin dahil pinaikot ko yong mga staff ko at nakita ngang may barikada o harang doon sa haul road ng Ipilan Nickel Corporation (INC), doon naobserbahan ko bakit nilagyan na nila doon ng barikada o harang doon, siguro ang ibig nila sabihin ay para tumigil ang operasyon ng Ipilan Nickel,” sabi ni Bernas.
“Sa panig ko po sa aking pagkakaunawa ay hindi ko po masyadong alam, ano ba yong batas na hindi dapat gawin ng isang raliyista, anyway po kami naman ay kasama namin ang kapulisan sa pagbabantay ng katahimikan,” dagdag nito
Samantala, maglalabas naman umano ng pahayag ang Ipilan Nickel patungkol sa rally at sa mga issue na binabato sa kanila.