Kabilang ang LTO sa mga ahensyang nagbigay serbisyo sa mga taga-Occidental Mindoro bilang pakikiisa sa ika-69 na Anibersaryo ng Pagkakatatag ng lalawigan. (Voltaire N. Dequina/ PIA Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro — Bilang pakikiisa sa katatapos na pagdiriwang ng ika-69 na Anibersaryo ng Pagkakatatag ng lalawigan, naghatid ng iba’t ibang serbisyo ang ilang ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng Provincial Public Employment Service Office (PPESO).

Ayon kay Gerardo Tamayo, tagapamahala ng nabanggit na tanggapan, kabilang sa mga ahensyang naghandog ng serbisyo ang Land Transportation Office (LTO), Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Statistics Authority (PSA).

“Unang isinagawa ang Passporting Mobile ng DFA kung saan halos 600 aplikante ang napaglingkuran,” ani Tamayo. Karamihan ay kumuha ng bagong pasaporte habang may ilan ay renewal.

Sinabi pa ng opisyal na malaki ang natipid ng mga aplikante sa pamasahe at iba pang gastusin dahil hindi na nila kailangang lumabas ng lalawigan. “Epektibo ang ginawa naming estratehiya na maagang ipinanawagan ang mobile services ilang buwan pa bago ito isinagawa, kaya naihanda ng mga aplikante ang mga requirements o kailangan sa pagkuha o pag-renew ng pasaporte,” saad ni Tamayo.

Marami ring naserbisyuhan ang LTO Licensing Caravan ng LTO Pinamalayan Extension Office. Pahayag ni Cherry Ann Alcosin, Administrative Officer III ng LTO Pinamalayan, kabilang sa kanilang serbisyo ang renewal ng mga lisensya, pagbibigay ng student permit at renewal ng rehistro ng mga sasakyan. Paalala naman ni Alcosin sa mga pinababalik nilang aplikasyon, tulad ng driver’s licence cards, maari na itong kunin sa PPESO, simula sa ika-25 ng Nobyembre.

“Ang PSA naman ang namahala sa aplikasyon ng civil registry documents,” dagdag ni Tamayo. Kabilang sa mga dokumentong ipoproseso sa pangrehiyong tanggapan ng PSA ay ang birth, death at marriage certificate gayundin ang certificate of non-marriage (CeNoMar).

“Maaring bumalik sa aming opisina ang mga aplikante ng PSA Mobile Acceptance sa unang linggo ng Disyembre,” paalala ng opisyal. Aniya, ang mga civil registry documents ay kadalasang gamit sa aplikasyon sa trabaho, pagpasok sa paaralan, pagkuha ng pasaporte at iba pa.

Samantala, binanggit din ni Tamayo na plano ng pamahalaang panlalawigan na anyayahan ang tanggapan ng Profesional Regulation Commission (PRC) na muling bumisita sa lalawigan sakaling lumabas na ang resulta ng Licensure Examination for Teachers (LET) na ginanap noong Setyembre. Ayon kay Tamayo, kung babalik muli ang PRC sa lalawigan, kabilang sa mga serbisyong ihahatid nito ang pagpapanunumpa sa mga pumasang guro, pag-asikaso sa inisyal na pagre-rehistro ng mga pumasa at renewal ng iba pang PRC licenses.

Ang Occidental Mindoro ay naitatag bilang lalawigan noong Nobyembre 15, 1950 sa bisa ng Republic Act 11123. (VND/ PIA MIMAROPA/Occ Min)

 

About Post Author

Previous article2 big projects of Bataraza gov’t from mining taxes
Next articleGoing digital