Nasa anim na daang ibat-ibang puno ang itinanim sa paligid ng Balaybayen Falls sa Sitio Catuayan, Berong sa bayan ng Quezon sa pangunguna ng Municipal Environment and Natural Resources (MENRO), katuwang ang ilang stakeholders, mga opisyales at residente ng barangay, noong araw ng Miyerkules, Pebrero 2.
Ang tree planting activity ay isinagawa bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Wetland Day 2022 sa buong mundo.
Ayon kay Esperanza Caabay, hepe ng MENRO-Quezon, layunin din ng aktibidad na mapangalagaan ang natatanging pinagkukunan ng malinis na supply ng tubig ng Berong at mga karatig-lugar nito, sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga kahoy.

Dagdag Caabay, naniniwala siya na malaki ang tulong ang mga puno upang magkaroon ng malinis na tubig ang Balaybayen Falls. Mahalaga aniyang hindi masira ang gubat o ang mga puno sa paligid nito upang maiwasan din ang soil erosion at ang pagbaba ng daloy ng tubig dito lalo na sa panahon ng tag-init.
“Ang Balaybayen Falls ay buhay ng mga mamamayan ng Barangay Berong dahil ito ang nagsu-supply ng tubig sa barangay. Kailangang proteksyonan ang kabundukan nito at mapanatili ang de-kalidad at tuluy- tuloy na supply ng tubig at sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng lahat ng mga stakeholders ay makakamtan namin ang adhikaing ito,” pahayag ni Caabay, Pebrero 3.
Aniya, may mga coastal clean-up at mangroves planting activities din na nakatakda nilang isagawa ngayong buwan sa ibang mga barangay, bilang bahagi ng kanilang mga enviromental protection and conservation programs sa bayan ng Quezon.



