Makikita sa larawan ang Nissan Sedan na nakabangga sa motorsiklo (inset) na nag-resulta sa kamatayan ng isang 16 taong gulang na driver. (Photos from Palawan Police Provincial Office)

Isang 16 taong gulang na lalaki na residente ng Barangay Quinlogan sa bayan ng Quezon ang nasawi matapos maaksidente ang motorsiklo na minamaneho nito noong Pebrero 19 ng hapon sa Sityo Salongsong 1, Brgy. Iraan sa bayan ng Rizal, ayon sa ulat ng Palawan Police Provincial Office (PPO).

Ayon sa ulat mula sa tagapagsalita ng PPO na si P/Maj. Ric Ramos, ang menor de edad ay pumanaw noong Pebrero 20 ng gabi habang sumasailalim sa “extensive medical treatment” sa Palawan Medical Mission Group Multipurpose Cooperative Hospital (Coop Hospital) kung saan ito inilipat matapos unang dalhin sa Rizal District Hospital (RDH).

Nangyari ang aksidente noong Sabado, 5:45 nang hapon, habang ang menor de edad na walang lisensya ay minamaneho ang isang Smash Suzuki kasama ang angkas nito na kinilala bilang si Geeann Ampala Omis, 20, residente ng Barangay Quinlogan.

Sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng pulisya, lumalabas na binabagtas ng menor de edad at ng angkas nito ang national highway sa Bgry. Iraan pauwi sa Brgy. Quinlogan, Quezon, kung saan ito mga residente, nang mabangga ng Nissan Sedan na minamaneho naman ni Rolando Llanes, 60, mula sa kasalungat na direksyon.

Kasama ang sakay na si Sheryl Magbanua Javier, 31, ay napunta sa “opposite lane” ng lugar ng aksidente ang Nissan Sedan na minamaneho ni Llanes kaya nabangga nito ang motorsiklo ng menor de edad at angkas nito na si Omis.

Ayon pa rin sa ulat mula sa PPO, umalis si Llanes sa lugar kung saan naganap ang aksidente patungo sa hindi matukoy na direksyon at iniwan ang Nissan Sedan at ang sakay nito na si Javier.

Si Javier ang kumilala kay Llanes bilang driver ng Nissan Sedan, ayon kay Ramos.

Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa natutunton ng pulisya si Llanes, ngunit inihahanda na ang kaso laban dito.

Previous articleProv’l gov’t nagpahiram ng P30k tulong puhunan sa Taytay at Roxas
Next articleInLife pays more than P1B in death and disability policy claims in 2021, makes claiming benefits easy with Claims Portal
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.