Inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa sa pangunguna ng City Health Office (CHO) ang Tuberculosis (TB) Prevention and Control Media Handbook nitong Disyembre 22, 2022.
Kasabay din nitong inilunsad ang TB Information System at TB Control and Prevention Strategic Plan.
Binigyan ng handbook ang lahat ng media na dumalo sa nasabing aktibidad upang maging gabay ng mga ito sa pagtalakay sa usapin ng TB sa kani-kanilang mga programa sa radyo, maging sa mga diyaryo at online platform.
Sa open forum sinabi ni Asst. City Health Officer Dr. Dean Palanca na as of December 12, 2022 ay mayroon kabuuang 1,050 residente ng lungsod ang naitalang mayroong TB at sumasailalim sa gamutan.

Aniya, 2019 ang may pinakamataas na bilang ng mga nagkasakit ng TB sa lungsod na umabot sa 1,114; 733 naman ang naitala noong 2020 at 690 noong 2021.
Dahil dito nagsasagawa ngayon ang CHO ng iba’t-ibang estratihiya upang masawata at makontrol ang pagkalat ng TB dahil hangad ng lungsod na maging TB free ito sa taong 2030.
Ayon sa CHO, malaki ang naitutulong ng media upang maipalaganap ang mga tamang impormasyon partikular na sa mga liblib at kasulok-sulukang barangay ng lungsod upang mapigilan ang pagdami at pagkalat ng nasabing sakit.
Lumagda din sa ‘pledge of commitment’ ang mga media bilang pangako ng mga ito nang buong suporta sa inisyatibo ng pamahalaang panlungsod at ng CHO sa pagsawata at pagkontrol ng TB infection sa lungsod.
Ayon sa impormasyong nakalagay sa Media Handbook, ang TB ay isang nakamamatay na sakit na nakaaapekto sa mahigit isang milyong tao sa Pilipinas. Ang TB ay nagagamot, pero sa kabila nito ay halos 60 Pilipino pa rin ang namamatay araw-araw at marami sa kanila ay hindi alam na sila ay may sakit na TB. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)