Isang rescue boat ang binili ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Sofronio Española na nagkakahalaga sa P1.9 milyon, at gagamitin para sa mga operasyon sakaling may trahedya o sakuna.
Dumating sa MDRRMO ang rescue boat noong March 24 na pinondohan mula sa 5% Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF).
“Mahalaga ito para ma-rescue ang mga tao na nasa area na malalim na ang tubig at di na mapasok ng rescue vehicle. Magagamit din natin ito sa search and rescue sa dagat in case na may nawawalang mga tao sa dagat,” ayon kay Nestor Asag, hepe ng MDRRMO.
Ayon kay Asag, bahagi ito ng pagpapalakas ng kanilang opisina para sa preparasyon sa panahon ng mga hindi inaasahang kalamidad na maaaring mangyari, katulad na lamang ng matinding baha na naranasan noong buwan ng Enero dulot ng low pressure area (LPA) kung saan maraming naapektuhan ng baha sa mga barangay ng Pulot Center, Pulot Shore, Iraray, at Punang.
Aniya, ito ang pinakaunang rescue boat na nabili ng MDRRMO na mas may malaking kapasidad sa mga isasakay ng mga rescuer sa mga masasagip nito sa panahon ng baha kung sakali.
“Meron tayong mga rescue boats na existing pero plastic boat without engine po iyon,” sabi ni Asag.
Samantala, bahagi pa rin ng kanilang 5% LDRRMF ngayon taong 2023, may mga parating pa rin silang mga rescue material bilang karagdagang kagamitan para sa kanilang mga search and rescue operations dito.
“May mga parating pa rin tayo na mga rescue set like rescue rope, carabiners, gloves, eight rings, tactical flashlight, headlamps, rescue helmet, boots for responders, swevil, single and tandem pully,” sabi pa niya.
“May plano pa kami magprocure ng isang command vehicle pick up at ambulance for responders,” dagdag pa ni Asag.