Inaasahan na ng Taytay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang paghagupit ng bagyong Odette sa kanilang bayan simula mamayang hating-gabi hanggang bukas ng madaling-araw.
Ayon kay MDRRMO chief Joseph Cuaton, aabot sa 4,000 pamilya ang inaasahang ililikas nila katuwang ang Philippine Coast Gurad, Philippine Marines, at PNP Regional Mobile Force Battalion (RMFB), bago pa man dumating ang bagyo.
“Lahat ng preparation natin is in place na. Ang babantayan natin ay ang mga barangay na may flood prone area, at mga residente na malapit sa mga river banks, coastal barangays at ang iba pa na binaha na talaga,” ani Cuaton.
Kabilang sa binabantayan dahil sa pagbaha ang mga barangay ng Abongan, Bato, Libertad, Paglaum, Talog, Pamantulon, at Poblacion.
Maliban dito ay binabantayan din ang Barangay Cataban na may mga nakatira sa landslide prone area.
“May ilang mga landslide prone area rin sa highway na walang maraming nakatira masyado pero kailangan din natin silang ilikas,” aniya.
Dagdag ni Cuaton, nakahanda na rin ang mga evacuation centers gaya ng schools na di ginagamit at naabisuhan na rin ang mga barangay officials na maghanda para sa posibleng preemptive evacuation.
Samantala, sa bayan ng Roxas, pinaghahandaan na rin ng MDRRMO ang posibleng pagbaha sa mga barangay ng Dumarao, Abaroan at Tagumpay, ayon kay OIC Roderick Tingni.
“Nagpadala na tayo ng critical preparedness action for para sa bagyong Odette. Kailangan ay naka-standby na ang mga barangay disaster risk response nila, and i-inform na nila ang mga residente nila lalo na ang mga low-lying areas, lalo na ang mga nasa coastal area. Ang mga mangingisda hindi na dapat payagan namangisda pa ngayong papasok na sa atin ang bagyo,” pahayag ni Tingni.
Ngayong hapon ay muling magkakaroon ng emergency meeting ang MDRRMC ng bayan para pag-usapan ang karagdagang paghahanda para sa papasok na bagyo.
“Wala pa tayong gagawing pag-evacuate, pero pag uusapan natin sa meeting yan at saka ang mga karagdagang messures na gagawin natin,” paliwanag ni Tingni.
Dagdag niya, bagama’t wala pang gagawing paglilikas ay nakahanda na rin ang mga evacuation center ng mga barangay, kung kakailangnin.
